"Ang farming ay isang business profession kung saan ikaw ay gumagawa ng sarili mong produkto at binebenta sa merkado.” Ito ang mga katagang patuloy na isinasagawa ni Leo Manuel Casaclang, isang millennial farmer at may-ari ng Localroots Agricultural Farming and Services (Localroots), Learning Site for Agriculture (LSA) ng Agricultural Training Institute (ATI) Calabarzon na matatagpuan sa Sariaya, Quezon. Sa edad na dalawampu’t dalawa, tinahak na ni Leo ang pagsasaka. Pagkatapos sa kolehiyo ay agad sumabak sa pagsasaka si Leo. “Walang nag-influence sa akin para pumasok sa pagsasaka Ang aking adbokasiya ay una makapagbigay ng masustansyang pagkain. Pangalawa, ma-inspire o ma-engganyo pa ang ibang kabataan katulad ko na pumasok sa pagfa-farming,” saad ni Leo. Hands-on siya sa mga gawain sa sakahan mula sa pagtatanim hanggang sa pagbebenta ng produkto.
Sa murang edad ay pinangasiwaan na ni Leo ang Localroots na may kabuuang lawak na dalawampung ektarya. Ito ay isang integrated farm kung saan gumagamit ng iba’t ibang farm technologies katulad ng solar water pumps, drip irrigation at other farm machineries. Matatagpuan sa Localroots ang puno ng mangga, guyabano, saging, mulberry at mga gulay tulad ng pipino, ampalaya, sitaw at letsugas, ang pangunahing produkto ng sakahan. Binabagsak ang mga produkto sa sentrong pamilihan ng Sariaya. May mga suki na rin sila sa Maynila na tumatangkilik sa mga produkto ng Localroots. Sumasali rin si Leo sa Friday market para mas makilala at kumita. Malaking tulong para kay Leo ang natapos niyang kurso sa kolehiyo na BS Entrepreneurship kung saan nagagamit niya ang kanyang mga natutunan lalong lalo na sa market strategy. “Bilang isang business, ang market ang mag didikta kung ano ang kailangan mong produkto sa kanila. Yung market ay malaking parte ng isang business,” pagbabahagi ni Leo. Ayon pa kay Leo, kumikita ang sakahan ng average na Php 9,000.00 kada linggo sa bawat pananim, depende sa presyo sa merkado. Dagdag pa niya, “kapag may proper planning o planting schedule sa pagtatanim, maaari kayong kumita araw araw.”
Mga Hamon at Muling Pagbangon
Naging hamon din kay Leo ang market nang nagsisimula pa lamang siya sa pagsasaka. Isa pa sa naging suliranin ni Leo ay kung paano mai-impluwensyahan o paano maituturo ang mga natutunan sa pagsasaka sa ibang magsasaka na hindi tanggap ang makabagong pamamaraan at teknolohiya sa agrikultura. Ngunit, hindi naging hadlang ito kay Leo, bagkus, nagsumikap siya na mapalawak ang market, mapaigting ang market strategy at tumuklas ng mga bagong kaalaman at gawi sa pagsasaka na maibabahagi sa mga magsasaka.
Sa paglipas ng panahon, binigyang-tuon ni Leo ang organikong pagsasaka. Taong 2017, sumali siya sa Sariaya Organic Producers Association o SOPA para mas mapalawak pa ang kanyang kaalaman at kasanayan. Batid ni Leo, “nakakatulong ang samahan dahil nakakapagbahagi kami (miyembro) ng iba’t ibang mga ideya o mga teknik kung paano pa mapapaganda ang pago-organikong pagsasaka.”
Maraming benepisyong dulot ang pagsasaka hindi lamang kay Leo maging sa pamilya at komunidad nito. Siguradong sapat at ligtas ang kanilang mga kinakain. Nakakapabigay rin ng trabaho ang Localroots sa kanilang lokalidad.
Farmer at Entrepreneur
Bilang young farmer at entrepreneur, hindi hadlang kay Leo ang edad para sumubok sa pagsasaka. “Kailangan pa natin ng young farmers o farm enthusiast na pumasok pa sa agrikultura kasi kailangan na kailangan natin ng food source. Sa mga kabataan na may balak magtayo ng sariling business, isama ang agrikultura sa business mo, dahil pagdating sa agrikultura hindi lang pagtatanim. May ibang side din gaya ng food processing,” paglalahad ni Leo.
Para mas mahikayat ang mga kabataan sa larangan ng agrikultura, nagsasanay ang Localroots ng mga mag-aaral mula sa senior high school patungkol sa pagsasaka kung saan natutunan nila ang pagtatanim ng binhi, gumawa ng sariling fertilizers, pagpapakain ng hayop at iba pa. Sa katunayan, dalawang (2) batch na ang nakatapos.
Localroots, Model for Farms of the Future
Bilang LSA ng ATI Calabarzon, malaki ang naging impact nito sa pagpapaunlad ng Localroots kabilang ang pagsasagawa ng pagsasanay sa mga kabataan. “Naa-apply ko ang natutunan ko sa Farm Business School (FBS), partikular ang pagtuturo ng farming at business side. Yung mga binbigay na training, ito ay nakakatulong na makapagbigay pa ng quality sa aking mga produkto,” paliwanag ni Leo.
Nais ni Leo at ng Localroots na ang, “farm ay maging model for farms of the future. Ang ibig sabihin dito ay maipakita pa sa ibang tao ang iba’t iba pang teknolohiya o techniques. Gusto kong matutunan ang AI o Artificial Intellegence kung paano ito makakatulong sa pagsasaka.”
Ang Pagsasaka bilang Bagong Karera
Hindi lingid sa kaalaman ni Leo na mahalagang tungkulin ang ginagampanan ng mga kabataang magsasaka. Sila ang nagsisilbing huwaran at bagong henerasyon sa pagpapayabong ng sektor ng agrikultura. Ang mga kabataang magsasaka ang pagmumulan ng makabagong impormasyon at teknolohiya patungo sa progresibong pagsasaka. “Ang pagsasaka ang aking life long career. Bilang nandito ako sa propesyon na ito ay nakakatulong na ako na ipagpatuloy pa ang agrikultura dito sa ating bansa,” wakas ni Leo.
Panoorin ang video: