PADRE GARCIA, Batangas- Sumailalim sa pagsasanay ng Agricultural Training Institute (ATI) sa CALABARZON ang 25 tekniko sa paghahayupan, patungkol sa “Training on Feed Formulation using Local Materials” sa bayang ito.
Ang pagsasanay ay naglalayon na palawakin at pag-ibayuhin ang kaalaman at kasanayan ng mga tekniko uko sa pagawa ng alternatibong pakain gamit ang mga lokal na materyales para sa livestock at poultry.
Sa pagbubukas ng programa, ibinahagi ni OIC Training Center Superintendent II ng ATI CALABARZON, G. Sherylou C. Alfaro ang isang hamon: “As development workers ang role natin is to help our community, especially our dear farmers to uplift their lives and yung sinasabi nating change, mabago sila for improvement ng kanilang livelihood. Sabi nga, development like social work is a work of heart, so we hope na itong tatlong araw na pagsasanay, hindi lang mabusog ang mga utak natin but let’s continue to feed our hearts dahil napakahalaga ng puso para sa ating gawain bilang extension workers”
Sa loob ng tatlong araw ng pagsasanay, nagbahagi ng kanilang kaalaman ang mga tagapagsanay mula sa Office of the Provincial Veterinarian ng Batangas na sina G. Runelita N. Panganiban at G. Evangeline B. Bantigue ukol sa mga paksa sa Basic Animal Nutirition, Forage Establishment at Alternative Feed Production for Livestock and Poultry. Bukod sa lektura at aktibong diskusyon nagkaroon din ng aktuwal na pagsasagawa ng pagawa ng organikong concoctions at alternatibong pakain para sa mga alagang hayop ang mga kalahok.
Sa pagtatapos ng programa, nag-iwan ng mensahe si Dr. Jerome Causay. “Nais ko pong pasalamatan lahat ng naging instrumento upang maisagawa nang maayos at matiwasay ang pagsasanay na ito. Isang pagbati sa ATI dahil tunay naman pong natataon ang pagsasanay na ito at tugma po sa direktiba ng ating pangulo na “affordable and accessible food for all.” Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, magtulong-tulong po tayo para sa muling pagbangon ng ating mga magsasaka sa paghahyupan. Sa susunod na taon po may may program tayong nakalinya at sana po ay patuloy tayong sumuporta po sa mga programa inihahain natin para sa ating magsasaka at tekniko sa paghahayupan. Samantala, nagbigay din ng mensahe ng pasasalamat at pagsaludo sa mga kalahok si G. Noledo Lindog, Head ng Livestock and Poultry Development Section ng OPV- Batangas.
Ang pagsasanay ay ginanap noong ika – 21 hanggang ika- 23 ng Setyembre 2022 sa MoCa Family Farm RLearning Center. Ang mga kalahok ay nakatanggap ng 12 CPD units.
Ulat ni: Marian Lovella A. Parot