TRECE MARTIRES CITY, Cavite- “Success is more than luck: it's about planning towards achieving it.” Kaya naman ang ATI CALABARZON ay patuloy na pinagbubuti ang pagpaplano para sa bawat taon, upang maseguro na maisasakatuparan ang mandato at lahat ng Programs, Activities or Projects (PAPs) ng ahensya.
Ginanap noong Enero 13-14, 2022 ang dalawang araw na General Staff Meeting at Planning Workshop ng ATI CALABARZON. Sa unang araw ay idinaos ang pangkalahatang pagpupulong ng mga kawani kung saan nagkaroon ng bahagyang pagbabalik-tanaw sa mga kaganapan ng nakaraan na taon.
Pinag-usapan rin ang mga bagong itinalaga na Focal Persons ng bawat programa o proyekto. Gayundin, binigyang-diin ang mga COVID-19 minimum health at safety protocols upang mapanatiling ligtas na bawat kawani sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit. Tinalakay din sa pagpupulong ang mga detalye ng pagdiriwang para sa nalalapit na 35th Founding Anniversary ng tanggapan.
Sa mensahe ni Center Director, Marites Piamonte-Cosico, sinabi niya na, “Mahalagang makamit at maisagawa ang lahat ng targets ngayong taon, kaalinsabay ng pagpapanatiling ligtas ng mga nagsasagawa at nakikiisa sa mga gawaing pang ekstensyon.”
Sa ikalawang araw naman ay isinagawa ang planning workshop ng mga kawaning pang tekniko. Dito ay hinimay ang lahat ng gawain sa ilalim ng bawat banner program. Tinalakay rin ang mga stratehiya upang ligtas na maisakatuparan ang mga ito. Binigyang pansin din ang mga tamang araw ng pagsusumite ng mga ulat matapos maisagawa ang bawat gawain. Sa pagtatapos ng araw, binigyang diin ni Assistant Center Director, Dr. Rolando Maningas ang patuloy na pagtatrabaho ng may integridad at pagtutulungan, upang kahalintulad ng mga nakaraan na taon, masiguradong maaabot ang mga targets para sa FY 2022.
Ulat ni: Abegail del Rosario