“We keep raising the bar,” isa ito sa mga core values ng Agricultural Training Institute (ATI) at kaugnay nito, regular na isinasagawa ng ATI CALABARZON ang pagtatasa ng mga gawaing pang-ekstensyon.
Bago magtapos ang taon, isinagawa ng ATI CALABARZON ang Annual Performance Review and Assessment na dinaluhan ng apatnapu’t (49) na kawani nito. Sa loob ng dalawang (2) araw, inilahad ng bawat banner program focal person ang mga naisagawang gawain, ang naging grado ng bawat tagapagsalita at ang pangkalahatang pagsusuri ng mga gawain. Tinalakay rin ang mga hamon na kinaharap at mga mga istratehiya na ipinatupad upang maipagpatuloy ang mga pagsasanay. Ipinabatid rin ang kasalukuyang kalagayang pang pinansyal ng ahensya.
Sa pagtatapos ng aktibidad, ipinarating nina ATI CALABARZON Center Director Marites Piamonte-Cosico at Assistant Center Director Dr. Rolando V. Maningas ang pagbati para sa matagumpay na taon sa kabila ng pandemya na nararanasan ng bansa. Hinikayat din ng pamunuan ang mga kawani na ipagpatuloy ang pagpapabuti ng pagpapatupad ng mga pagsasanay at iba pang gawaing pang-ekstensyon sa mga susunod pang taon.
Layunin ng gawain na itaguyod ang komunikasyon, bigyang diin ang mga mabubuting kasanayan at magbigay ng kapaki-pakinabang na mungkahi tungkol sa pagpapatupad ng mga gawaing pang-ekstensyon. Isinagawa ito noong ika-20 hanggang ika- 21 ng Disyembre, 2021 sa Cortijo de Palsabangon Farm, Park & Restaurant, isa sa mga akreditadong School for Practical Agriculture (SPA) ng ATI CALABARZON sa Pagbilao, Quezon.
Mula kay: Abegail L. Del Rosario