Alinsunod sa Memorandum Circular No. 04 s.2020 ng Civil Service Commission na nagpapatupad sa pagbuo ng Mental Health Policy at Program para sa mga kawani ng gobyerno, matagumpay na isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) Calabarzon, sa pangunguna ng Administrative and Finance Unit, ang tatlong (3) pangkat ng Staff Development Activity na may temang “Journeying Together Towards Eunoia” noong ika-21 at 22 ng Oktubre, ika-11, 12 at ika-25, 26 ng Nobyembre taong kasalukuyan. May kabuuang apatnapu’t walong (48) kawani ng ATI Calabarzon ang lumahok sa dalawang (2) araw na pagsasanay na ginanap sa Don Leon Nature Farm, isang Learning Site for Agriculture o LSA ng ATI Calabarzon sa San Juan, Batangas.
Dumalo sa pagbubukas ng programa si ATI Calabarzon Center Director Marites Piamonte-Cosico. Aniya, “Naniniwala ako na ang kalusugan ng isip ay isang mahalagang bahagi ng kalusugan at kagalingan ng isang tao. Ang mabuting kalusugan sa pag-iisip ay nagbibigay-daan sa atin na matukoy ang ating mga potensyal, makayanan ang mga normal na mga stress ng buhay at magtrabaho nang produktibo at patuloy na makapagbigay ng EXCELLENT EXTENSION SERVICES BEYOND BOUNDARIES.”
Sina Bb. Mariel Celeste C. Dayanghirang, Psychology Instructor, at Bb. Daryl Dane “Darcell” Diaz, Yoga Instructor, ang mga nagsilbing tagapagtalakay sa nasabing pagsasanay. Ibinahagi sa mga kalahok ang iba't ibang paksa ukol sa kalusugan ng kaisipan, tulad ng mga sintomas na nauugnay sa mga karaniwang emosyonal at sikolohikal na isyu, gayundin ang mga pamamaraan o mekanismo upang makayanan ang mga ito. Nagkaroon din ng breathing at relaxation exercises tulad ng yoga.
Saad ni Bb. Renzenia T. Rocas, isa sa mga kalahok, “Nagpapasalamat ako na nagkaroon ng ganitong pagsasanay dahil nagkaroon tayo ng awareness na may anxiety at depression talaga. Kasi, marami ang mga di naiitindihan ang ganitong mga sitwasyon na kesyo ito ay kaartehan lamang.”
Layunin ng pagsasanay na ito na maitaas ang kamalayan at pang-unawa sa kabutihan at kahalagahan sa kalusugan ng kaisipan.
Nilalaman at Larawan: Julie Ann A. Tolentino