Pinangunahan ng Information Services Section ng ATI Calabarzon ang pagsasagawa ng unang batch ng Training of Trainers on Digital Agriculture Course (DAC) for Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) noong ika-10 hanggang ika-12 ng Nobyembre, 2021 sa pamamagitan ng Zoom application. May kabuuang dalawampu’t isang (21) kinatawan mula sa iba’t ibang RCEF farm schools, Learning Sites for Agriculture at Schools for Practical Agriculture sa lalawigan ng Quezon ang lumahok sa tatlong (3) araw na pagsasanay. Ang mga nasabing sakahan ay ang Cortijo de Palsabangon Farm, UMA Verde Econature Farm, Skilled Farming School, El Royale Farming School, St. Isidore Farming School, Beegood Agriventures at Flor and Daisy’s Agricultural Farm.
Dumalo sa pagbubukas ng programa si ATI Calabarzon Center Director Marites Piamonte-Cosico. Anya, “Bilang farm schools, isa sa mga gampanin ninyo ang makapaghatid ng angkop na impormasyon at pagsasanay. Isa na nga rito ay ang kaalaman sa mga makabagong teknolohiya para sa modernisadong pamamaraan ng pagsasaka. Patuloy ninyong ibahagi ang inyong kaalaman at kakayahan para sa progresibong Agrikultura sa bansa.”
Sina G. Hans Flores, Bb. Jamila Balmeo at Bb. Maridelle Jaurigue ang nagsilbing mga tagapagtalakay sa pagsasanay. Ibinahagi sa mga kalahok ang nilalaman ng DAC for RCEF 101 at 102 module kabilang ang rice-related agriculture applications: Binhing Palay, MOET App, Rice Crop Manager, e-Damuhan at AgriDOC App. Natutuhan din ng mga kalahok ang iba’t ibang social media at e-commerce platforms na maaaring gamitin sa pagpapakilala at pagbebenta ng produkto tulad ng eKadiwa ni Ani at Kita, Shopee at Lazada. Gumawa rin sila ng online posters gamit ang Canva application.
Saad ni Bb. Airene May Carpio, isa sa mga kalahok, sa kanyang impresyon, “Maganda yung topic. Talagang makakatulong sa farmers especially sa paggamit ng mobile agri application. Nakakatuwa kasi pwede talaga nating ibahagi sa mga farmers na malapit sa atin o yung mga kakilala natin na nagtatanim.”
Layunin ng DAC for RCEF na maihanda at maturuan ang mga tagapagsanay sa pagsasagawa ng digital literacy training sa kanilang lokalidad.