“Panahon natin ito para itaguyod ang agrikultura sa ating rehiyon by being an agripreneur, kaya magtulungan tayo.” Ito ay bahagi ng impresyon na tinuran ni Francis Rod T. Domincel sa pagtatapos ng Enhancement Course on Strengthening Youth Agripreneurial Capabilities na isinagawa mula ika- 2 hanggang ika-5 ng Nobyembre, 2021 sa Don Leon Nature Farm sa San Juan, Batangas.
Sa nakaraang panahon, malaki ang naging bahagi ng mga kabataan sa pagbuo ng ating kasaysayan. Anya ni Dr. Jose Rizal, “Kabataan ang pag-asa ng Bayan.” Sa pangkasalukuyan, sa gitna pa rin ng pandemya na ating nararanasan, nangangailangan ang bansa ng pagkakaisa upang muling makabangon, at ang agrikultura ay itinuturing na isa sa mga kaagapay sa muling pagpapasigla ng ekonomiya sa ating bansa. Katulad ng tinuran ni G. Domincel, ngayon na ang panahon upang makiisa at magtulungan ang mga kabataan sa pagtataguyod ng agrikultura sa CALABARZON.
Hangarin ng ginawang pagsasanay na malinang ang kakayahan ng tatlumpung (30) kalahok sa pamamahala ng negosyong pangsakahan upang maging bahagi sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad. Ilan sa mga paksa na tinalakay sa pagsasanay ay ang mga sumusunod: Values Development and Entrepreneurial Outlook, Business and Value Chain Models, Business Financial Management and Taxation, Farm Operations Management, Contract Management, Business Plan Development, Business Ethics and Social Entrepreneurship at
Product Innovation.
Dinaluhan nina ATI OIC Director Dr. Rosana P. Mula, ATI CALABARZON Center Director Marites Piamonte-Cosico at Assistant Center Director Dr. Rolando V. Maningas ang pagtatapos ng programa. Ang pagsasanay ay pinangunahan ng Planning, Monitoring and Evaluation Services Unit ng ATI CALABARZON.
Pagkatapos ng pagsasanay, ang bawat kalahok ay magsusumite ng mga agribusiness proposals na sasailalim sa ebalwasyon ng isang komite, upang pumili at magdeklara ng tatlong (3) agribusiness ventures na pagkakalooban ng grant. Ang pagsasanay ay nagbukas ng pinto upang magkaroon ng pag-uugnayan ang bagong henerasyon ng mga magsasaka sa rehiyon.
Nilalaman at Larawan: Abegail del Rosario