Animnapung (60) kabataang agripreneurs ang sumailalim sa dalawang (2) pangkat ng pagsasanay na may titulong “Training on Agro-Entrepreneurship” noong ika-25 hanggang ika-29 ng Oktubre, 2021 (unang pangkat) at ika-2 hanggang ika-6 ng Nobyembre, 2021 (ikalawang pangkat) na isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON. Layunin ng pagsasanay na mapag-ibayo ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa mga konsepto, prinsipyo, at mga gawain sa pagnenegosyo sa larangan ng agrikultura (agro-entrepreneurship). Ang pagsasanay ay bahagi ng Agripreneurship Program ng ATI na ang pangunahing hangarin ay palakasin ang hanay ng mga kabataan bilang mga agripreneurs at katuwang sa pagpapaunlad ng agrikultura.
Ilan sa mga paksang tinutukan nina Bb. Kaye Ramos, Chief Operating Officer at may-ari ng Uma Verde Econature Farms, Inc., School for Practical Agriculture, at G. Bart Tengonciang, Presidente ng Farmshare Prime, Learning Site for Agriculture, sa limang (5) araw na pagsasanay ay ang mga sumusunod: Introduction to Agro-Entrepreneurship; Engaging with Agro-Enterprise Industry; Stakeholders in the Agriculture Industry; Negotiation; Production Process Flow & Monitoring; Reviewing Process Production Plant; Financial Management; Farmer Clustering; Marketing Strategies; Collective Marketing; Contract Growing; Mobilizing Farmers Participation in Capability Building Activities; Motivational Strategies; at Business Proposal Writing.
Ang bawat kalahok ay inaasahan na magsagawa at magsumite ng Business Model Canvass para sa kanilang mga agri-negosyo. Nakatakda ring sumailalim sa pagtatasa ang animnapung (60) kalahok sa National Certification II ng TESDA para sa Agro-Entrepreneurship sa ika-12 at ika-13 ng Nobyembre, 2021.
Ang nasabing pagsasanay ay pinangasiwaan ng Partnerships and Accreditation Services Section sa pangunguna ni Gng. Sherylou C. Alfaro, Chief at tumayong Punong Abala ng nasabing gawain, katuwang sina Gng. Soledad Leal, Agriculturist II; G. Ric Jason Arreza, Development Management Officer I; G. Mervin Vitangcol at G. Darren Bayna, Training Assistants;, sa patnubay at tulong nina G. Roy Roger Victoria, Youth & Rural-Based Organization Focal Person; Dr. Rolando V. Maningas, Assistant Center Director; at Gng, Marites Piamonte-Cosico, Center Director ng ATI CALABARZON.
Nilalaman at Larawan: Sherylou C. Alfaro