QUEZON Province- Pinangunahan ng Agricultural Training Institute (ATI) sa CALABARZON ang paghuhubog sa 22 magsasaka ukol sa Pagsasanay sa Pagtatanim, Pagpoproseso at Pagmerkado ng Cacao.
Katuwang ang Villar SIPAG Farm, pinangasiwaan ng ahensya ang ikalawang pangkat ng pagsasanay simula noong ika-27 hanggang ika-30 ng Setyembre 2021, sa pamamagitan ng pagtatalakay online at pagkakaroon ng hands-on demonstration.
Sa huling araw ng pagsasanay, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na makapagsagawa ng “grafting at side grafting,” bilang bahagi ng talakayan sa clonal rehabilitation. Ang aktibidad ay pinasinayaan ni G. Joel Alpay mula sa Provincial Agriculture Office ng Quezon sa Provincial Cacao Techno Demo Farm na matatagpuan sa isa sa certified Learning Site for Agriculture ng ATICalabazron ang BTC Farm, Tayabas City, Quezon.
Sa pagtatapos ng mga kalahok sa pagsasanay, nagpaabot ng mensahe ng pagbati si Dr. Rosana P. Mula, OIC Director IV mula sa ATI Central Office, gayundin si Bb. Marites Piamonte-Cosico, Center Director ng ATI Calabarzon. Nagbigay din ng mensahe ang butihing Sen. Cynthia Villar upang hikayatin ang mga kalahok sa industriya ng pagka cacao.
Layunin ng pagsasanay na mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga magsasaka upang maiangat ang antas ng cacao sa Pilipinas at muling mapagyabong ang produksyon ng cacao sa bansa. Ang mga nagsipagtapos ay nagmula sa mga probinsya ng Rehiyon IV-A, Rehiyon IV-B at Rehiyon V.
Sa Ulat ni Bb. Vira Elyssa Jamolin