PAGBILAO, Quezon – Isinagawa ng Agricultural Training Institute sa CALABARZON ang apat na araw na “Pagsasanay ng mga Tagapagsanay tungkol sa Teknolohiya ng Pagtatanim, Postharvest at Pagpoproseso ng Kape,” sa pakikipagtulungan sa Cavite State University (CVSU) - National Coffee Research and Development Extension Center (NCRDEC).
40 tekniko mula sa iba't ibang probinsya ng CALABARZON ang nakatanggap ng sertipiko ng pagtatapos mula sa ATICalabarzon at sertipiko ng accreditasyon ng 11 CPD units sa PRC. Pinangunahan ito ni Bb. Vira Jamolin, CDMS Section Chief at tumatayong Project Officer at HVCDP Coordinator sa ginanap na pagtatapos sa dalawang magkahiwalay na araw sa probinsya ng Quezon.
Nagpaabot din ng mensahe si Gng. Ma. Leonellie Dimalaluan, Assistant Provincial Agriculturist ng Quezon sa mga nagsipagtapos sa pagsasanay. Hinikiyat din niya ang mga tekniko na patuloy na linangin ang mga kakayahan lalo na sa mga prayoridad na pananim dahil sa nakasalalay sa patuloy na pagseserbisyo ng lokal na pamahalaan katulong ang mga ahensya ng Kagawaran ng Pagsasaka ang ikauunlad ng industriya ng kape sa rehiyon.
Layunin ng pagsasanay na mapalawig ang kaalaman at kasanayan ng 40 teknikong pang agrikultural ng rehiyon sa mga teknolohiya sa pagkakape upang matulungan ang mga magsasaka sa kani-kanilang munisipalidad. Inaasahan ang mga tekniko na magsasagawa ng mga iba't ibang aktibidad upang maibahagi ang mga kaalaman na kanilang natutunan sa pagsasanay.
Ulat at Larawan ni Bb. Vira Elyssa Jamolin