TRECE MARTIRES CITY, Cavite- Isang matagumpay na pagsasanay ng “Training of Trainers (ToT) on Production of High-Quality Inbred Rice Seeds & Farm Mechanization” ang naisagawa sa ilalim ng programang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)
Naisakatuparan ang naturang pagsasanay sa pagtutulungan ng Agricultural Training Institute (ATI) sa CALABARZON at Villar SIPAG Farm School. Kasama rin sa mga naging tagapagtalakay ay mula sa Department of Agriculture-Central Office; National Economic Development Authority (NEDA)-Central Office; PhilMech; TESDA-Central Office; TESDA-Region IV-A; PhilRice-Central Experiment Station; PhilRice-Los Baños Branch; RCPC-Region IV-A; BPI-NSQCS Region IV-A at ang Panlalawigang Agrikultor ng Quezon at Pambayang Agrikultor ng Tayabas City, Candelaria, Quezon at Morong, Rizal.
Ilan sa mga mahahalagang bahagi ng pagsasanay ay ang pagsasagawa ng hands-on activities sa produksyon ng dekalidad na inbred rice seeds; aktuwal na paggamit sa makabagong makinarya sa pagpapalay at pagsasagawa ng Agro-Ecosystem Analysis (AESA). Nagpamalas din ang mga kalahok ng kanilang kahusayan at kaalaman sa pamamagitan ng Microteaching.
Nakasama sa pagtatapos ng pagsasanay si Center Director Ms. Marites Piamonte-Cosico. Sa kanyang mensahe, aniya, “Bilang mga bagong tagapagsanay hiling naming na gamitin ninyo ang lahat ng inyong natutuhan sa pagsasanay na ito upang maibahagi ang mga makabagong teknolohiya sa produksyon ng palay at mga benipisyong dulot ng RCEF Program upang sama-sama nating makamit ang Masaganang Ani at Mataas na Kita.”
Nagpahatid din ng mensahe ng pagtatapos sina Sen. Cynthia A. Villar, Chair of the Senate Committee on Agriculture & Food, Sec. Isidro S. Lapeña, Director General ng TESDA, at si Dr. Karen Eloisa Barroga ng DA-PhilRice-CES.
Ang mga bagong tagapagsanay mula sa probinsya ng Cavite, Laguna, Quezon, Oriental at Occidental Mindoro ay inaasahang magiging katuwang sa pagsasagawa ng Farmers Field School (FFS) ng programang RCEF sa kani-kanilang lugar.
Ang pagsasanay ay isinagawa noong ika-5 - 15 ng Hulyo 2021.
Ulat at larawan ni G. Darren Bayna