Mga Teknikong Pang-Agrikultural sa CALABARZON, Nagsanay para Mapanatili ang Seguridad at De-Kalidad na Produksyon ng Gulay at Prutas

Ang mga kalahok habang nagsasagawa ng mock inspection bilang bahagi ng Pagsasanay ng mga Tagapagsanay sa Good Agricultural Practices (GAP).

TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Dalawang pangkat ng mga teknikong pang-agrikultural mula sa limang (5) lalawigan sa rehiyon CALABARZON ang nagsipagtapos sa limang (5) araw na Pagsasanay ng mga Tagapagsanay sa Good Agricultural Practices (GAP) para sa mga Prutas at Gulay na ginanap sa ATI Region IV-A, Trece Martires City, Cavite. Ang unang pangkat ay sinanay noong ika-19 hanggang ika-23 ng Hulyo, 2021 samantalang ang pangalawang pangkat ay noong ika-26 hanggang ika-30 ng Hulyo, 2021.

Bukod sa pagkakaroon ng talakayan sa mga paksa tungkol sa mga prinsipyo at pamantayan ng GAP, nagsagawa rin ang mga kalahok ng mock inspection sa demo farm ng Department of Agriculture - Cavite Agricultural Research and Experiment Station o DA CARES sa Maragondon, Cavite upang mabihasa sila sa pagsusuri at pagbibigay ng rekomendasyon sa mga sakahan upang makapasa sa sertipikasyon ng PhilGAP. Sumailalim din ang mga kalahok sa ebalwasyon sa pagtalakay ng mga paksa sa GAP sa pamamagitan ng microteaching. Ito ay upang mapalawig ang karanasan ng mga kalahok bilang mga tagapagsanay sa GAP sa kanilang lugar.

Sinaksihan din ni ATI CALABARZON Center Director Marites Piamonte-Cosico ang pagtatapos sa pamamagitan ng online at nagbigay ng mensahe ng pagbati sa mga nagsipagtapos at pasasalamat para sa lahat ng naging katuwang upang maging matagumpay ang nasabing pagsasanay.

Inaasahan na ang mga nagsipagtapos ay magiging katuwang ng Kagawaran ng Agrikultura sa pagtulong at paggabay sa mga magsasaka sa rehiyon CALABARZON hindi lamang sa pagpapataas ng ani at kita gayundin sa pagkakaroon ng ligtas at de-kalidad na produksyon ng gulay at prutas at pananatili ng kaligtasan sa pagsasaka at kapaligiran alinsunod sa pamantayan ng GAP.

Nilalaman at Larawan: Bb. Vira Elyssa L. Jamolin