TERESA, Rizal –Naging resulta ng matibay na ugnayan ng Agricultural Training Institute (ATI) sa CALABARZON at Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ang matagumpay na pagsasagawa ng Digital Farmers Program (DFP) 101.
Ito ang unang beses na isinagawa ng mga kawani ng Information Services Section (ISS) ang ”blended approach,” kung saan ang mga kalahok ay nakatipon sa lugar-sanayan sa katuwang na bayan, samantalang ang mga tagapagtalakay ay live nilang pinanonood sa pamamagitan ng Zoom.
Sa tulong ng mga katuwang na tekniko sa Tanggapan ng Pambayang Agrikultor, sa pangunguna ni Bb. Izy San Jose, naging makabuluhan at aktibo pa rin ang mga kalahok sa mga diskusyon at aktibidad.
“Talagang marami po kaming natutunan. At isa pa, masaya at maayos ang aming pakikinig sa inyo [mga tagapagsanay mula sa ATI-CALABARZON]. Maraming salamat po,” pagbabahagi ni Ginoong Ariel Mendoza, pangulo ng samahan ng magsasaka sa nasabing bayan.
Ang DFP ay isang programa ng ATI at Smart Communications na hubugin ang mga magsasaka sa paggamit ng “digital technologies,” upang makatulong sa kanilang pagsasaka at pagbebenta ng mga produktong pang-agrikultura. Sa DFP 101, tinuturuan ang mga magsasakang kalahok, sa tulong ng kabataang katuwang niya, na gumamit ng smartphone, i-access ang applications katulad ng Facebook at Google, gamitin ang agri apps tulad ng Payong PAGASA, e-Learning at Farmers Guide Map. Ang huling leksyon ay tumutuon naman sa paggamit ng Facebook Marketplace upang magbenta ng kanilang produkto.
Ang DFP 101 sa bayang ito ay pinangunahan ng manunulat ng artikulo, mula sa ISS, kasama sina Jamila Monette Balmeo, Hans Christopher Flores at Michelle Macalagay noong ika-27 ng Hulyo 2021. Ito ay dinaluhan ng 10 pares ng magsasaka at kabataan sa bayang ito.