CANDELARIA, Quezon - Ang Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture Regional Field Office (DA RFO) IV – A ay nagsagawa ng pagsasanay ukol sa Internal Control System towards Participatory Guarantee System (PGS) Core Group Formation sa Uma Verde Econature Farm sa Candelaria, Quezon noong ika-20 hanggang ika-23 ng Hulyo, 2021. Ang mga kalahok sa pagsasanay ay dalawampung (20) magsasaka at teknikong pansakahan mula sa General Nakar at Lucban sa Quezon; Baras, Rizal; at San Pablo City, Laguna.
Nagpahayag ng suporta sa mga kalahok si ATI CALABARZON Center Director Marites Piamonte-Cosico. Ayon pa sa kanya, siya ay humahanga sa mga kalahok sa kanilang dedikasyon sa pagsulong ng organikong pagsasaka sa kanilang mga bayan. Sina G. Arnaldo Gonzales mula sa DA RFO IV-A at G. Philip Reyes ang nagsilbing tagapagtalakay sa nasabing pagsasanay. Sa loob ng apat (4) na araw na pagsasanay ay nakabuo ng draft ng kanilang manual of operations ang mga grupo. Ito ang kanilang magiging gabay sa pagbuo ng PGS core group sa kanilang mga bayan.
Ang pagsasanay na ito ang unang pagsasanay ukol sa PGS mula ng naamyendahan ang Organic Agriculture Act of 2010 na tinawag na Republic Act 11511. Layunin ng pagsasanay na mabigyan ng gabay ang mga kalahok ukol sa Amended Organic Agriculture Act o ang Republic Act 11511 na nakatuon sa PGS bilang isang opsyon sa mga magsasaka sa pagpapasertipika ng kanilang mga taniman. Layunin din ng pagsasanay na makabuo ng sipi ng kanilang manual of operations na nakatuon sa internal standards ang bawat grupo bilang panimula sa bubuuing PGS core group sa kanilang mga bayan.
Nilalaman at larawan: Soledad E. Leal