LUNGSOD NG CABUYAO - Isinigawa ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa pakikipa-ugnayan sa Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV-A, Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo ng Laguna at Opisina ng Pangsiyudad na Agrikultor ng Cabuyao ang Pagsasanay sa Pagpapadami, Pagkatay at Pagproseso ng Kuneho sa Brgy. Casile, Lungsod ng Cabuyao, Laguna. Ang programa ay bilang tugon sa ONE DA (Department of Agriculture) Reform Agenda, isa sa mga istratehiya ng Kagawaran na kabilang dito ay ang pagbubuo ng suporta para sa mga “Bayanihan Agriclusters o BACs”. Sumailalim sa pagsasanay ang dalawampung (20) miyembro na kooperatiba ng Casile-Guinting Upland Multipurpose Cooperative, na isa sa mga rehistradong BACs sa rehiyon.
Sa pagsasanay, ibinahagi ng mga tagapagsalita mula sa Philippine Rabbit Industry Agricultural Cooperative, sa pangunguna ni G. Aldwin Chozas, ang tamang pagpadami at pangangalaga ng mga kuneho bilang alternatibong pagkukuhanan ng protina bukod sa mga nakasanayang pinagmumulan nito katulad ng baboy, manok, baka, isda atbp. Ang mga kalahok ay nagkaroon din ng pagkakataon na matutuhan at maisagawa ang tamang pagkatay at proseso ng kuneho.
“Nagpapasalamat ako dahil isa ako sa napili na maging participant sa training na ito. Natataon ito dahil ako ay may mga alagang rabbit at di maiwasan na mamatayan ako ng kita. Sa pagsasanay na ito nalaman ko kung bakit ako namamatayan at alam ko na kung paano ito maiwasan. Nagustuhan ko din yung tamang pamamaraan sa pagkatay at least alam ko na pag dumami ang aking mga alaga, kung paano ito katayin,” pagbabahagi ni G. Jefferey N. Bundalian, isa mga kalahok ng pagsasanay.
Pinasinayaan ni Bb. Marites Piamonte-Cosico, Center Director ATI CALABARZON; Dr. Jerome Cuasay, DA National Livestock Program Regional Coordinator; at Bb. Luzviminda Ednalino ang pangwakas na programa.
Nilalaman: Marian Lovella A. Parot