Mga Kalahok sa Pagsasanay sa Organikong Pagsasaka, Matagumpay na Nagsipagtapos

Ang mga kalahok ng Training on Risk-based Pre-Assessment of Farms for Organic Agriculture habang nagsasagawa ng mock inspection sa Luntiang Republika Ecofarm sa Alfonso, Cavite kasama si G. Eduardo B. Cleofe

TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) Region IV-A ang “Training on Risk-based Pre-Assessment of Farms for Organic Agriculture (OA)” noong ika-6 hanggang ika-8 ng Hulyo, 2021 sa ATI Region IV-A Training Hall, Brgy. Lapidario, Trece Martires City, Cavite. Layunin ng pagsasanay na mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga kalahok ukol sa risk-based pre-assessment of farms for OA gayundin ay matulungan ang mga magsasaka na masuri ang kanilang sakahan kung sakali na sila ay magpa-sertipika. Layunin din ng pagsasanay na maipaliwanag ang kabuuan ng Philippine National Standards on OA (PNS/BAFS 07:2016), pre-assessment inspection mechanisms at protocols, conformity assessment, auditing principles at assessors’ competence, pre-assessment inspection plan at checklist. Dagdag pa rito, layon din ng nasabing pagsasanay na matukoy ang risk-based inspection during pre-assessment inspection at makapagsagawa ng pre-inspection assessment at magsumite ng action plan.

Nagkaroon ng malayang talakayan at diskusyon na pinangunahan ni G. Vicente D. Limsan mula sa Bureau of Agriculture and Fisheries Standards. Nagsagawa rin ng mock inspection ang mga kalahok sa Luntiang Republika Ecofarm na matatagpuan sa Alfonso, Cavite, isang third party certified organic farm. Kinapanayam si G. Eduardo B. Cleofe ukol sa kanyang mga ginagawang pamamaraan sa kanyang taniman.

Sa pagtatapos ng pagsasanay, nagbigay ng mensahe ang Career Development and Management Section Chief na si Bb. Vira Elyssa L. Jamolin at nagpasalamat sa mga kalahok sa pagtugon sa programa ng organikong pagsasaka. Ang pagsasanay ay isang accredited training program ng Professional Regulation Commission kung kaya naman ang mga kalahok ay may makakatanggap na 24 Continuing Professional Development (CPD) points.

“First time ko umattend ng training sa OA. Pagdating ko dito sa ATI, feeling at home ako. Malaking tulong sa aming AEWs (Agricultural Extension Workers) ang training na ito at sobrang thankful ako na nakasama ako sa training na ito,” pagbabahagi ni Ms. Ivy Rose Faigane, isa sa mga kalahok ng pagsasanay.

Nilalaman: Soledad E. Leal

In this article: