Mga ‘AgriNanay,’ Nagsanay sa Urban Gardening

Posted by: 

KAWIT, Cavite- Pinangunahan ng Agricultural Training Institute IV-A sa programa na Early Childhood Care and Development o ECCD ang dalawang araw na pagsasanay na “AgriNanay: Mommies' Organic Vegetable Garden,” katuwang ang Tubig Pag-asa-Water and Life Philippines – Cavite Branch.

Layunin ng pagsasanay na maibigay ang mga kaalaman at kasanayan sa dalawampung kalahok na mga ina at “head of the family” patungkol sa urban gardening upang matugunan ang sapat na nutrisyon na maibibigay nila sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng mga tanim na gulay sa kanilang mga tahanan.

Gayundin ang maipalaganap ang iba't ibang teknolohiya sa urban agriculture na angkop sa kanilang tahanan o lugar upang maiseguro ang sapat na supply ng pagkain.

“Ang pagtatanim ng ating sariling pagkain gaya ng gulay, herbs, at prutas sa ating mga bakuran ay kayang-kaya sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga makukuhang kaalaman sa iba’t ibang teknolohiya at pamamaraan sa organic urban agriculture sa pamamagitan ng pagsasanay na ito,” saad ni Center Director Marites Piamonte-Cosico sa kanyang pambungad na pananalita.

Tinalakay ang mga paksa na "Developmental Stages of Children" na ibinahagi ni Bb. Mariel Celeste C. Dayanghirang; "Nutrition for Children" sa pamamagitan ni Bb. Marian Lovella Parot; at "Introduction to Urban Gardening" at "Establishment of UA Garden" na hinatid ni G. Phillip Reyes.
Nagkaroon din ng aktwal na mga gawain tulad ng paggawa ng mga natural na pataba, paghahanda ng lupa, at pagtatanim ng binhi.
Matapos ang dalawang araw na pagsasanay at upang maipagpatuloy nila ang kanilang mga natutunan sa kanilang tahanan, nakatanggap ang kalahok ng Urban Agriculture starter kit mula sa ATI Calabarzon.

Ginanap ang pagsasanay sa Pugad Ibon Daycare Center, Brgy. Sta. Isabel, Kawit, Cavite noong ika-22 hanggang ika-23 ng Hunyo 2021.