GENERAL NAKAR, Quezon- Ayon sa ulat, may iba’t ibang tribo tulad ng Badjao, Aeta, Remontado, at Dumagat na naninirahan sa rehiyon CALABARZON. Pagsasaka o paglilinang ang pangunahing hanapbuhay ng mga katutubo kasama ang pangingisda. Palay, bungang-kahoy tulad ng cassava at kamote, at mga gulay ang pangkaraniwang tanim ng mga ito.
Bagama’t hindi masasabing moderno ang pamamaraan nila ng pagsasaka, ang mga kasanayan nila sa pagsasaka ay napatunayan na epektibo ayon sa mga pag-aaral. Gayunpaman, ang mga gawain nila sa pagsasaka ay kinakailangan pa rin maitaas higit sa lahat ang ang kanilang ani at kita.
Upang matugunan ito, isinagawa ng Agricultural Training Institute Calabarzon, katuwang ang Opisina ng Pambayang Agrikultor ng Gen. Nakarang tatlong araw na pagsasanay na “AgriKatutubo: Training on Organic Farming for Indigenous Peoples (IPs)." Ito ay nakatuon sa mga katutubong Dumagat na naninirahan sa bayan ng General Nakar, Quezon.
Sa kanyang pambungad na pananalita sa pamamagitan ng isang video, ipinahatid ni ATI Regional Training Center Director, Marites Piamonte-Cosico ang kanyang lubos sa pagsuporta at pasasalamat sa mga katuwang sa pagsasanay.
“Naniniwala po kami na ang mga katutubong Pilipino ay may mahalagang ambag sa kasaysayan ng pagsasaka ng Pilipinas. Higit sa lahat ay sa natural na pamamaraan ng pagsasaka,” ani CD Cosico.
Dalawampung kalahok mula sa Barangay Magsikap ang aktibong nakilahok sa pagsasanay. Nagsilbing tagapagsalita at tagapagdaloy ng pagsasanay ang mga tekniko na sina Bb. Kaela Marie S. Ruzol at G. Vic Jose C. Yabes. Kanilang binahagi ang mga paksa tulad ng prinsipyo ng organikong pagsasaka, merkado, at paggawa ng natural na pataba tulad ng Fermented Fruit Juice (FFJ) at Fermented Plant Juice (FPJ).
Matapos makumpleto ang tatlong araw na pagsasanay, ang mga kalahok ay nakatanggap ng mga starter kits na naglalaman ng mga butong pananim, vermicompost, IEC materials sa pagtatanim, at seedling tray.
Isinagawa ang pagsasanay noong ika-16 hanggang ika-18 ng Hunyo 2021 sa Brgy. Masikap, Gen. Nakar, Quezon.