PAGBILAO, Quezon – Ang Agricultural Training Institute sa CALABARZON ay patuloy na nagbibigay ng kaalaman sa ating mga kabataan patungkol sa mga isyu at alalahanin na may kinalaman sa pagkakapantay-pantay ng kasarian.
Ang mga ganitong pagsasanay ay naglalayon ding mapataas ang kanilang pagsang-ayon na masolusyonan ang ganitong mga uri ng problema sa kanilang propesyunal at personal na buhay.
Isinagawa ng ATI CALABARZON ang “Gender and Development Training for the Youth” noong ika-24 hanggang ika-25 ng Hunyo, 2021 sa Cortijo de Palsabangon Farm Park and Restaurant. Ang Cortijo ay isa sa mga kinikilala na Paaralan sa Praktikal na Agrikultura (School for Practical Agriculture or SPA) na isa sa mga katuwang ng ahensya. Ang pagsasanay na ito ay hango sa konsepto ng pagiging sensitibo sa kasarian na nalikha upang mabawasan ang mga hadlang o balakid sa kaunlarang pang ekonomiya at pang sarili na dulot ng diskriminasyong pangkasarian, at naglalayong maipaintindi ang kahalagahan ng respeto sa bawat indibidwal na hindi inaalintana ang kasarian.
Dalawampung (20) miyembro ng Kapisanan ng 4H sa probinsya ng Quezon ang lumahok sa dalawang araw na pagsasanay na nakatuon sa balangkas ng sexuality, konsepto ng kasarian at kaakibat na mga isyu, ang mga karapatan ng mga kababaihan at mga kabataan at ang proteksyon na ibinibigay sa kanila ng pamahalaan, at ang iba’t-ibang lenguwahe ng pagmamahal at kung paano ito makakatulong na lalong maunawaan at irespeto ang kapwa na makakapagpaganda ng relasyong panlipunan sa darating na panahon.
Ulat ni: Ginoong Angelo Hernandez