Tsamba, ito ay may kahulugang nauukol sa isang tagumpay na likha ng isang mabuting pagkakataon o masuwerteng pangyayari. Kadalasan, ito rin ay nangyayari sa ating mga magsasaka ng palay, dahil karamihan sa kanila ay umaasa pa din sa tsambang pagtatanim. Ngunit may ilang magsasaka sa bayan ng Siniloan, Laguna, na hindi na tyamba kung umani ng palay at dahil ito sa teknolohiyanggabay na RCM o Rice Crop Manager.
Ang Siniloan ay bayan na matatagpuan sa lalawigan ng Laguna. May lawak itong 6,040 ektarya at 800 ektarya ang nakalaan sa pagpapalayan. Taong 2016, ipinakilala ng tanggapang bayan ng agrikultura sa mga magsasaka ang RCM, ito ay ng makatapos ang mga tekniko ng bayan ng mga pagsasanay sa Agricutural Training Institute Region IVA. Sa kadahilanan ng aktibong pagpapalaganap ng pag-gamit ng RCM sa mga magsasaka, ang Farmer Information and Services Center (FITS Center) sa bayan ng Siniloan ay nagawaran ng mga karagdagan kapasidad at gamit para maging RCM – enhanced FITS Center. Kaalinsabay nito, naging paunang pangangailangan ang magkaroon ng gabay ng RCM ang mga magsasaka para makakuha ng iba pang regular na serbisyo ng tanggapan kagaya ng pagpapaseguro, pamimigay ng binhi at pataba, at iba pang programa. Sa nagdaan taniman, ang bayan ng Siniloan, Laguna ay nakakapag-tala na ng ani na umaabot sa 7.12 metriko tonelada kada ektarya.
Ang Bagong Tuklas na Teknolohiya
Parte na ng pagsasaka ang paglalagay ng mga pataba sa mga pananim ngunit mahalaga din palang malamankung gaano karamiang ilalagay na mga pataba. Gayundin, dapat isaalang-alang ang uri ng binhi na gagamitin dahil magakaiba ang pangangailangan ng hybrid sa inbredna variety.Ito ang natutunan ni G. Avelino Paulete mula sa Brgy. Salubungan, Siniloan, Laguna.Anya siya ay labing dalawang taong gulang pa lamang ng mahikayat siya ng kanyang lolo sa pagsasaka.Noong hindi pa niya alam ang gabay ng RCM ay malaki ang kaniyang nagagastos sa pagpapalay dahil sobra ang kanyang mga ginagamit patabana dahilan upang bumaba ang kanyang kita sa pagtatanim ng palay.
Mayroon ding mga pagkakataon na kulang ang kanyang inilalagay na pataba, na kung sapat lang sana ang kanyang pag-aabono, maaaring mas malaki pa ang kanyang produksyon. Kaya naman nang ipaalam ng kanilang Agricultural Technician ang RCM ay sinubukan niya ang mungkahing ito. Batay sa kanyang karanasan, malaki ang naitulong ng RCM sa kanyang pagsasaka dahil nagkaroon na siya ng tamang gabay sa pag-aabono. "Ngayon, alam ko na ang tama at dami ng patabang gagamitin ko sa akin palay." Hindi na siya magtatantsa sa pagsasabog ng pataba, higit sa lahat ay naiibigay na niya ang kailangang dami, at nakakatipid pasapagkat naiiwasang masayang pa ang abono.
Napatunayan niya ang mga magagandang dulot ng paggamit ng RCM dahil tumaas ang kanyang ani at nabawasan ang kaniyang gastos sa pagpapalayan. "Dapat sila'y gumamit na din ng RCM para gumanda lalo ang kanilang ani," mungkahi ni Avelino sa kapwa niya magsasaka na hindi pa gumagamit ng gabay ng RCM.
Pamamahala ng Palayan
Bahagi rin ng pagtatanim ng palay ang pamamahala sa pagtatanim ng punla hanggang sa paglaki. Ngunit may ilang magsasaka ang hindi pa nakaka-alam ng mga hakbang sa tamang pangangalaga ng palayan halintulad sa kinagawian ni G. Genaro Bautista ng Brgy. Macatad, Siniloan, Laguna. Katulad ng ibang magsasaka hindi niya batid ang mga hakbang sa tamang pangangasiwa ng palayan, "Madalas kapag gawaan ng tubigan ay gumagaya lang ako sa aking mga katabi kung anu ang kanilang mga ginagawa sa palayan,” banggit ni Genaro. Kaya naman ng mabigyan siya ng rekomendasyon ng RCM mula sa kanilang tekniko ng agrikultura ng kanilang bayan, ay nalaman niya ang kahalagan sa pag-hahanda ng mga kamang taniman hanggang sa pagpapalaki ng butil ng palay. “Natutuhan ko na kailangan palang lagyan ng Zinc ang mga kamang taniman dahil nakakatulong ito sa maganda at mabilis na paglaki,” kwento niya.
Nagabayan din siya ng RCM sa tamang pagpapatubig ng palayan. Nakapaloob sa rekomendasyon kung kailanbabawasan at dadagdagan ang tubig sa palayan upang makontrol ang paglago ng mga damo. Maging ang pagkontrol ng peste ay nalaman din niya sa RCM. Nalimitahan niya ang mga paggamit nito dahil nalaman niya na malakas ang resistensya ng palay sa unang 30 araw, kaya hindi na kailangang mag-spray. ‘’Malaking tulong ang RCM dahil nabawasan nito ang aking gastos sa pag-papalayan,” pagmamalaki ni Genero.
Sa ngayon, regular ng bumibisita si Genaro sa FITS Center upang makakuha ng gabay at recomendasyon ng RCM sa tuwing magsisimula ang taniman.
Tamang Tiyempo
Hindi lang sa pagsasayaw at pagkanta kelangan ng tamang tiyempo o timing. Kailangan din pala ito ng mga magsasaka upang mas lalong gumanda at maparami ang kanilang mga ani. Kadalasan hindi tugma sa timing ang ating mga magsasaka sa paglalagay ng abono na nagiging dahilan ng paghina ng kanilang produksyon. Ito samakatuwid ang natutunan ni G. Rodel Realeza ng Brgy. Halay-hayin, Siniloan,Laguna. Bata pa lamang ay katulong na siya ng kanyang mga magulang sa pagsasaka. Kaya naman laking gulat niya sa resulta ng kanyang ani ng subukan niya ang rekomendasyon ng RCM. Sabi nga niya, "Noong una kapag nakita ko yung aking mga karatig na nagsasabog na, ay nagsasabog na din ako.” Mahalaga ang timing sa pag lalagay ng abono lalo na sa panahong nagsusuwi at naglilihi ang palay. Ito ang mga yugto na may malaking epekto sa pag-aani.
Natutunan niya din kung anong uri ng abono ang kanyang gagamitin sa bawat yugto ng palay.Batid ni Rodel, "Nakatulong ang RCM upang maparami ang aking ani, dahil naisasabog namin ang aming abono sa tamang panahon na kailangan ng palay.”
Dahil dito hinikayat ni Rodel ang kanyang mga kasama na gumamit ng RCM. Malaki ang tulong na naidudulot ng paggamit ng RCM maging sa produksyon at kita ng mga magsasaka. Ito ang makabagong pamamaraanalinsunod sa rekomendasyong binibigay ng teknolohiya para sa ikauunlad ng pagsasaka.Patunay na rito ang mga testimonya nila Avelino, Genaro at Rodel, mga magsasaka mula sa Siniloan, Laguna na angkop na ina-apply ang gabay at rekomendasyon ng RCM.
Ang RCM ay isang aplikasyon na binuo sa pagtutulungan ng IRRI at Kagawaran ng Agrikulturana maaaring makita sa mga cellphone o computer na may internet koneksyon. Ito rin ang instrumento ng mga tekniko ng agrikultura upang mabigyan nila ang mga magsasaka ng tiyak na rekomendasyon o gabay sa mga gagamitin nilang pataba, pamamahala ng mga peste, damo at patubig para sa mga kanilang pananim na palay. Ang mga magsasaka na may gabay ng RCM ay nakakatanggap din ng mga mensahe at tawag sa kanilang ibinigay ng numero ng telepono upang ipa-alala ang mga gawain nakapaloob sa naturang gabay. Sa pamamagitan ng pinalakas na nutrient management ng pananim, nilalayon ng RCM na madagdagan ng 300 kg na palay ang bawat ani kada ektarya. Naglalayon ito na madagdagan ang kita ng mga magsasaka ng palay.
(Isinulat ni Hans Christopher C. Flores)