SAN JUAN, Batangas - Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), taong 2021 ay nagtala ang rehiyon CALABARZON ng average yield na 3.71 metriko tonelada kada ektarya, mababa kumpara sa pangkabuuang ani ng bansa na 4.03 metriko tonelada. Ito ay marahil sa pag-atake ng pesteng brown plant hopper na iniulat ng Regional Crop Protection Center (RCPC) sa Los Baṅos, Laguna kung saan aabot sa halos 50 ektarya ang napinsala nito. Kaya naman, maituturing na isang malaking hamon ang pagtiyak na sapat ang suplay ng bigas sa bansa.
Upang tugunan ang nasabing hamon, isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang Refresher Course for Agricultural Extension Workers (AEWs) of CALABARZON (Approaches to Rice Integrated Pest Management)” noong ika-20 hanggang ika-23 ng Hunyo, 2022 sa Don Leon Nature Farms, San Juan, Batangas. Layon ng nasabing pagsasanay na maturuan ang mga kalahok sa tamang pagkilala ng mga peste at sakit ng palay at mga paraan kung paano ito pamamahalaan.
Ibinahagi ng mga tagapagtalakay mula sa RCPC na sina Bb. Sierralyn S. Sandoval, Bb. Pamela Marasigan at Bb. Madora Abril Gallegos ang Integrated Pest Management o IPM. Dagdag pa sa kaalaman ay ang pagtalakay ng paksa patungkol sa sustansyang zinc na isa sa mga pinakamahalagang elemento na kailangan ng palay. Samantala, tinalakay naman ni G. Joe Kim U. Cristal mula sa Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng Candelaria, Quezon ang pamamahala sa ibon, daga at kuhol kasama na rin ang Agroecosystem Analysis (AESA) at PalayCheck 7 ng Sistemang PalayCheck. Ipinaliwanag din ni G. Cristal ang Information and Communications Technology (ICT)-based tools on Rice tulad ng Rice Doctor, eDamuhan, Binhing Palay application at marami pang iba. Samantala, nagsagawa ng field tour ang mga magsasanay kung saan binisita nila ang isang palayan na pagmamay-ari ni G. Moises Idico, isang lokal na magpapalay sa bayan ng San Juan. Aktuwal na kinilala ng bawat kalahok ang iba’t ibang peste at sakit ng palay.
Dalawampu’t limang (25) rice AEWs mula sa iba’t ibang bayan ng CALABARZON ang nagsipagtapos sa Refresher Course for AEWs (Approaches to Rice Integrated Pest Management) at makakatanggap ng 13 Continuing Professional Development (CPD) points.
Sa kanilang pagtatapos, ibinahagi ng mga piling kalahok ang mga mahahalagang natutunan nila mula sa pagsasanay at pasasalamat sa mga programa ng ATI CALABARZON. Nagpahatid naman ng pangwakas na mensahe si Dr. Rolando V. Maningas, OIC Center Director ng ATI CALABARZON kung saan pinuri nya at binigyang halaga ang di matatawarang dedikasyon at sipag ng mga teknikong pang-agrikultura.
Ulat ni: Ric Jason T. Arreza