Determinasyon Para sa Malawakang Inobasyon

“Kailangan may passion ka when you engage into farming”

“Ito na yung retirement ko. At this age gusto ko makita na into farming na talaga ako,” madiing saad ni Sanny A. Buncha, apatnapu’t apat na taong gulang na magsasaka mula sa Lucena City, Quezon. Napukaw ang kanyang interes sa pagsasaka dala ng impluwensiya ng kanyang magulang. “Nakita ko sa mother and father na mahilig sila mag-farming, magtanim tanim. Sa aming siyam na magkakapatid, ako lang yung napahilig sa farming. Ito yung field na nakahiligan ko,” bahagi ni Sanny.

Pagsisimula

Sa loob ng mahigit na isang dekada ay nagtrabaho si Sanny bilang Inhinyero sa isang pinakamalaki at kilalang kumpanya ng alak sa Pilipinas, ang Ginebra San Miguel, Inc. Bagaman karamihan ng kanyang panahon at oras ay nagugol sa kanyang trabaho, hindi pa rin napigilan ang kagustuhan ni Sanny na ipagpatuloy ang pagsasaka. Natuto at nag-aral siya sa sariling sikap. “Everytime after work, eight hours of work, pupunta na ako sa farm kasi may inuupahan ako dating lupa sa Pagbilao kasi gusto ko lang mag farm. Yung knowledge ko into farming is nakukuha ko lang sa libro. Basa basa lang. Umattend ako ng mga trainings lalo na yung sa mga corn, saka yung high value,” paliwanag ni Sanny.

Pinagtuunan niya ng pansin ang pagtatanim ng mais. Ayon kay Sanny, “Naka-focus ako sa corn dahil yan ang nakikita ko na High Value. Pangalawa is yung tintawag natin na short term crop. Gusto ko ma-explore pa at maipakita sa iba, yung iba pang value added product o value chain dito sa corn. Maraming produktong makukuha sa corn.” Bukod sa mais, nagtatanim din si Sanny ng soya.

Pagsasanay

“Everytime ako na lumalabas ng bahay may certificate ako kasi galing ako sa training. Ito na yung pinaggugulan ko sa lahat is panay training,” pagmamalaki ni Sanny. Lumahok si Sanny sa iba’t ibang mga pagsasanay na isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) IV-A kabilang na ang Farmers’ Field School (FFS) on Corn, Training of Trainers (ToT) on Good Agricultural Practices (GAP), ToT on Hazard Analysis Critical Control Point o HACCP, Integrated and Diversified Organic Farming System (IDOFS) and Value Chain Analysis. “Yung mga trainings na binigay ng ATI, it opened up many doors and windows for me. Nung una kasi isang window lang nakikita ko which is business. Una kong nakita, nagustuhan at ginaya is yung learning. I do now engage into teaching. Gusto ko talaga makapagturo. And through that, nakakapagturo na tayo simula nung pina-attend ako ng ToT trainings kagaya nug GAP ToT,” dagdag pa niya. Sa kabuuan, malaking parte ang ginampanan ng ATI sa propesyon ni Sanny bilang magsasaka. “Kung susumahin natin lahat ng tinuro ng ATI, lahat ay may pakinabang para sa farmers. Ako, I do thank sa ATI. Laki talaga ako ng tunay na magsasaka through learnings,” kwento nya.

Tagumpay

Naging matagumpay si Sanny sa larangan ng pagsasaka. Sa katunayan ay nakatanggap na siya ng iba’t ibang mga parangal mula sa lokal, panlalawigan at rehiyonal na tanggapan. Ilan na rito ay napili siya bilang “Outstanding High Value Commercial Crop for 2008” ng lokal na pamahalaan ng Lucena City. Noong taong 2013 – 2014 ay pinarangalan naman siya bilang “Regional Gawad Saka Awardee”. Nang sumunod na taon ay nanalo siya bilang “Natatanging Lucenahin Award sa Pagsasaka ng PEZO” at “Natatanging Magsasaka” ng lalawigan ng Quezon.

Adbokasiya

Sa kasalukuyan, si Sanny ang Presidente ng Lucena Corn Growers Federation na may animapung miyembro na. Ang asosasyon ang kaunahang samahan sa pagmamaisan na naitatag sa bayan ng Lucena sa pangunguna at pagsisikap ni Sanny. “Binuo ko yung samahan ng mga magmamais para mayroong kumatawan sa corn sa Lucena City,” pahayag niya.

Isang pa sa mga adbokasiya na gustong palawigin ni Sanny ay ang natural na pamamaraan ng pagsasaka. “Ang advocacy ko ngayon is natural farming. Nung na-expose ako sa learning ng ATI, in-expose ako sa tamang pamamaraan ng pagsasaka, maging climate smart tayo. Dapat pala pangalagaan din natin ang ating kalikasan. Doon pumasok yung GAP Certification on Corn para mapasok ko yung organic.” Bilang resulta, nagkamit ng sertipikasyon sa Good Agricultural Practices (GAP) sa pagmamaisan si Sanny. “Noong June 2016 na-certify yung farm as GAP producer ng corn,” pagtutukoy niya. Ang sakahan niya ang kaunahang GAP Certified farm sa larangan ng pagmamaisan.

Inobasyon

Fortified organic fertilizer, shredded corn stalk at weed management tool ang mga nakalinyang inobasyon na nais isagawa ni Sanny. “Maraming produktong makukuha sa corn. Ang isa sa tinututukan ko ngayon is yung katawan ng corn is gagawing fertilizer. Yung fertilizer na yun is specific for corn to produce ng maganda. Nag-innovate ako ng tools na ikakabit sa mower or grass cutter para di tamaan yung mga corn ko. Nalinisan ng weeds pero hindi nadamay yung mga corn,” paglalahad ni Sanny. Dagdag pa sa listahan ng kanyang mga inobasyon ang pagtatayo ng one-stop shop para sa mga organic inputs.

Nang tanuningin kung ano ang pangunahing ambisyon niya sa buhay, simple lang ang kanyang sagot, “Ang pinaka-end goal ko dito as farmer is yung nakaupo ka sa kubo tas nagkakape-kape ka na lang. Lahat sila andyan na. Every morning paggising mo nandyan na: itlog ng manok, chicken, gulay. Kukunin mo na lang sa farm mo hanggang hapon nandyan yung pagkain mo. That is sustainability.”

Watch the video: