Nagsagawa ng Training of Trainers on Participatory Guarantee System (PGS) ang Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture – Regional Field Office (DA RFO) IV-A at Villar SIPAG Farm School noong ika-18 hanggang ika-22 ng Abril, 2022 sa pamamagitan ng Zoom application at noong ika-25 hanggang ika-29 ng Abril, 2022 sa Chad’s Nature Farm, Brgy. Kinalaglagan, Mataas na Kahoy, Batangas. Ito ay dinaluhan ng dalawampu’t pitong (27) indibidwal mula sa mga lalawigan ng Cavite at Batangas. Ang mga kalahok ay mga Teknikong Pansakahan mula sa Tanggapan ng Panlalawigan at Pambayang Agrikultor, mga magsasakang bubuo sa Core PGS Group at mga kinatawan ng Batangas State University at Cavite State University.
Nagkaroon ng mga pagtalakay at workshops sa pamamagitan ng online platform at face-to-face sessions ang mg kalahok. Isinagawa rin ng grupo ang peer review/mock inspection upang mapalawak ang kaalaman sa pagsusuri ng kani-kanilang mga taniman.
Nagsilbing mga tagapagtalakay sa sampung (10) araw na pagsasanay si Bb. Lucil Ortiz ng PGS Pilipinas kasama sina G. Arnaldo Gonzales at G. Jun Villarante mula sa DA RFO IV-A.
Pinangunahan ni ATI CALABARZON Assistant Center Director Dr. Rolando V. Maningas ang pagtatapos ng pagsasanay. Nagbigay naman ng mensahe ng pagbati si Bb. Eda F. Dimapilis, Regional Organic Agriculture Focal Coordinator, sa katauhan ni Bb. Margie Grimaldo. Nagpaabot din ng pagbati sa mga kalahok si Senador Cynthia A. Villar, Chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food.
Inaasahan na ang mga nasabing PGS Groups ay magsusumite ng aplikasyon ng sertipikasyon mula sa Bureau of Agriculture and Fisheries Standards bago matapos ang taon. Layunin ng pagsasanay na mahasa ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok ukol sa pagtatatag at operasyon ng PGS na naaayon sa pambansang pamantayan ng organikong pagsasaka.
Ulat ni: Soledad E. Leal