Isinagawa ng Agricultural Training Institute CALABARZON sa pakikipagtulungan sa mga Opisina ng Panlalawigang Beterinaryo ng Cavite, Laguna, Rizal at Quezon ang pitong (7) pangkat ng “Training on Sample Collection for Barangay Biosecurity Officers (BBOs)” noong ika-15 hanggang ika-18 ng Marso, 2022 sa lalawigan ng Rizal; ika-17 hanggang ika-18 ng Marso, 2022 at ika-24 hanggang ika-25 ng Marso, 2022 sa lalawigan ng Cavite; ika-22 hanggang ika-25 ng Marso, 2022 at ika-29 hanggang ika-30 ng Marso, 2022 sa lalawigan naman ng Quezon. May kabuuang 142 mga bagong BBOs para sa rehiyon ng CALABARZON ang nagsipagtapos sa pitong (7) pangkat ng pagsasanay.
Sa loob ng dalawang (2) araw na pagsasanay ay nagkaroon ng pagtalakay sa iba't ibang paksa ukol sa African Swine Fever (ASF) at biosecurity. Isinagawa rin ang practicum activities kung saan tinuruan at ginabayan ang mga kalahok sa tamang pagkokolekta at pag-iimbak ng mga sample para sa surveillance at monitoring activities kaugnay sa ASF.
Sa pagtatapos na programa noong ika-30 ng Marso, 2022, nagpahatid ng mensahe ng pagbati at pagpasasalamt si Dr. Flomella A. Caguicla, Panlalawigang Beterinaryo ng Quezon. Samantala, nagbigay ng pagpupugay si ATI CALABARZON Center Director Marites Piamonte-Cosico para sa dalawampung (20) kalahok. “Batid namin hindi biro ang magiging responsibilidad ng isang BBO sa kanyang nasasakupan. Kayo ang magsisilbing katuwang ng Municipal Agriculture Office at Provincial Veterinary Office sa surveillance at sample collection na mga exit protocol requirement upang eventually ay makaalis sa Red Zone Category ang inyong lugar. Kaya naman ngayon pa lang ay saludo na kami sa inyo! Dahil handa kayong magserbisyo para sa ating mga magsasaka upang mapabilis ang muling pagsigla ng industriya ng pagbababuyan sa ating rehiyon," ani Center Director Cosico.
Ang programa ay bilang tugon sa programang Bantay ASF sa Barangay o BABay ASF. Ito ay isa sa mga istratehiya ng Kagawaran ng Pagsasaka katuwang ang mga pamahalaang lokal at mga pribadong sektor upang makontrol at masugpo ang ASF sa Pilipinas.
Ulat ni: Marian Lovella A. Parot, Training Specialist I