Kabuhayan ng Pagkakabute, Pinag-ukulan nang Pansin sa Pagsasanay

Laguna Province- Pinangunahan ng Agricultural Training Institute (ATI) Region - CALABARZON, sa pakikipag-ugnayan ng Provincial Employment Service Office ng Laguna ang pagsasagawa ng dalawang (2) pangkat ng Seminar on Mushroom Production and Processing.

Ang nasabing pagsasanay ay magkasunod na ginanap noong ika-21 hanggang ika-22 ng Pebrero sa Mabitac at ika-23 hanggang ika-24 ng Pebrero sa Pila, Laguna. May kabuuang 39 ang naging kalahok sa dalawang araw na seminar. Layunin ng pagsasanay na mabigyan ng kakayahan ang mga displaced OFWs sa mga nabanggit na bayan, at makapagsimula para sa kanilang pangkabuhayan.

Nagsilbing mga tagapagtalakay sa paksa tungkol sa pagpaparami at pagpoproseso ng mushroom ang LSPU Siniloan Mushroom Project Team sa pangunguna ni Bb. Charmyne De Vera Sanglay. Ang PESO at Municipal Agriculture Office ng Mabitac at Pila, Laguna naman ang naging katuwang ng ahensya bilang tagapagdaloy sa buong pagsasanay.

Sa pagbubukas ng programa, nagbigay ng mensahe sina Bb. Vira Jamolin, Training Specialist III at Dr. Rolando V. Maningas, Assistant Center Director ng ATICalabarzon. Nagpaabot din ng mensahe ng pasasalamat sina G. Rodson Del Mundo Administrative Officer, PESO Laguna; Engr. Christian Carlo A. Retoriano, OIC Municipal Agriculture Mabitac, Laguna G. Camilo Palacol, Municipal Agriculturist at Mayor Edgardo A. Ramos mula sa bayan ng Pila, Laguna.

Samantala, sa pagtatapos ng pagsasanay ay nagpahatid naman ng mensahe ang Center Director ng ATI CALABARZON na si Ginang Marites Piamonte-Cosico sa pamamagitan ng isang recorded video.

Ulat ni Vira Elyssa Jamolin