LIPA, Batangas - Isinagawa ng Agricultural Training Institute Calabarzon sa pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture (DA) National Meat Inspection Service (NMIS) Regional Technical Operation Center (RTOC) IVA, Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo ng CALABARZON at Opisina ng Pambayang at Pangsiyudad na Agrikultor at Beterinaryo ng CALABARZON ang Basic Meat Inspection Course noong ika-1 hanggang ika-17 ng Setyembere, 2021 para sa Phase 1. Samantala, ika-22 hanggang ika-26 ng Nobyembre, 2021 at ika-29 ng Nobyembre hanggang ika-1 ng Disyembre, 2021 naman sa Phase 2 sa Lipa City, Batangas at Baras, Rizal. Ang programa ay bilang tugon sa programang ONE DA Reform Agenda, isa sa mga istratehiya na kabilang dito ay ang pagpapatibay ng pundasyon ng “Food Safety” sa agrikultura.
Ang pagsasanay ay tumagal ng dalawapu’t dalawang (22) araw na kinabilangan ng labing-isang (11) araw ng participative online lecture-discussion na ibinahagi ng mga eksperto mula sa DA NMIS RTOC IVA at DA NMIS Central Office. Ang pangalawang yugto ng pagsasanay ay isinagawa sa Baras, Rizal sa paggabay ni G. Rosendo Amonelo at Dr. Ma. Theresa Magdaraog sa Lipa City, Batangas.
Hinasa ang dalawampung (20) kalahok sa teknikal at praktikal na kasanayan sa aspeto ng pagsasagawa ng meat inspection. “Naging mahirap man ang pagsasanay, pero dahil sa suporta at pagpapasensiya ng aming mga resource speaker, mga kapwa kalahok at ng mga tagapangasiwa ng programa, lahat ng hirap ng pagsanay ay sulit dahil madami kaming natutunan na tiyak na makakatulong sa pag-perform namin ng aming mga responsibilidad bilang isang Meat Inspector. Maraming salamat po sa ATI at NMIS," pagbabahagi ni Bb. Mina Valois mula sa Tanauan City, Batangas.
Sa pagtatapos, nagpahatid ng mensahe ng pagbati at pagpupugay si Regional Technical Director ng DA NMIS IVA Dr. Eduardo Oblena. Samantalang nag-iwan ng isang mensahe ng paghamon si ATI Calabarzon Center Director Marites Piamonte-Cosico para sa dalawampung (20) kalahok. Anya, “Amin ding hiling, di man sa ngayon ay marinig namin mula sa inyo, na naging tunay na kapaki-pakinabang ang “marka” ng ATI at DA NMIS sa inyong mga buhay. Patunayan na ang “TATAK ATI AT NMIS” ay the best," ani CD Cosico.
Kasama din sa pangwakas na programa sina Dr. Rolando V. Maningas, Assistant Center Director; Bb. Vira Elyssa Jamolin, Chief ng Career Development and Management Services Section, at Dr. Ma. Theresa Magdaraog, Senior Meat Control Office, Training Office NMIS RTOC IVA.
Nilalaman at Larawan: Marian Lovella A. Parot