Isinagawa ng ATI Calabarzon sa pangangasiwa ng Information Services Section ang Training on Social Media Marketing sa ilalim ng Agripreneurship program. May kabuaang isandaan at walumpung (180) mga kabataan mula sa iba’t ibang bayan sa Calabarzon ang lumahok sa pagsasanay sa pamamagitan ng Zoom application. Ito ay ginanap noong ika-30 ng Oktubre at ika-4, 6 at 7 ng Nobyembre, 2021 para sa Beginners, Intermediate at Advanced Level.
Tinalakay ni Bb. Jamila Balmeo, Information Officer II, ang advanced social media marketing kung saan ang mga kalahok ay gumawa ng online poster ng kani-kanilang produkto at iba pang agri-enterprise gamit ang Canva mobile application. Samantala, ibinahagi naman ni Bb. Maridelle Jaurigue, Media Production Specialist II, ang paggamit ng e-commerce platforms tulad ng eKadiwa ni Ani at Kita, Shopee at Lazada. Natutuhan din ng mga kalahok ang iba’t ibang features at gamit ng PayMaya.
“Ang training na ito ay malaking tulong para makasabay sa teknolohiya, especially sa online marketing at sa pag-maximize ng paggamit ng social media platforms para mas mapadali at mapabilis ang pag-reach out natin sa mga buyers at mapalawak ang produkto at mapataas ang sales,” saad ni Bb. Harlene Valdecantos, isa sa mga kalahok ng pagsasanay.
Pinangunahan ni Dr. Rolando V. Maningas, Assistant Center Director, ang pagbubukas at pagtatapos ng programa. Hinikayat niya ang mga kabataang magsasaka na palawigin pa ang paggamit ng social media platforms sa pagbebenta at pagpapakilala ng kanilang produkto.