“We are given opportunity through this training, gamitin natin ang opportunity and if we succeed makikita din ng ibang youth at magiging inspirasyon para magpatuloy,” pagbabahagi ni Eugene Gonzales, isa sa kabataang magsasakang mula sa Baras, Rizal na kabilang sa nagtapos sa tatlong (3) pangkat ng "Training on Farm Business for Youth." Isinagawa ang apat (4) na araw na pagsasanay sa magkakaibang araw sa Cortijo de Palsabangon Farm Park, Pagbilao, Quezon at sa Don Leon Nature Farm Inc., San Juan Batangas noong ika-25 hanggang ika-30 ng Oktubre, 2021. Ang pagsasanay ay isa sa mga bahagi ng agriprenuership program na hatid ng ATI Calabarzon sa mga kabataang magsasaka ng rehiyon.
Nagsilbing mga tagapagtalakay sina G. Brian A. Belen ng ABF Integrated Farm and Agribusiness Center, Inc. sa San Pablo City, Laguna at G. Dexter Iglesias ng Iglesias Farm sa Malvar, Batangas.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, nagpaabot ng pagbati si ATI OIC Director Dr. Rosanna P. Mula. Samantala, nagbahagi naman ng mensahe ng inspirasyon si ATI Calabarzon Center Director Marites Piamonte-Cosico sa mga kalahok sa kanilang pagtatapos. Hinikayat niya sa mga nagsipagtapos sa pagsasanay na maisakatuparan ang mga nabuo nilang proposal upang maipagpatuloy ang henerasyon ng mga bagong magsasaka at agripreneur sa rehiyon.
Inaasahang magsusumite ang bawat nagsipagtapos ng mga Business Proposal para sa kanilang mga agri-negosyo. Mula dito, pipili ng labinlimang (15) proposal na sasailalim naman sa mentoring ng tatlong eksperto ngayong Nobyembre.
Sa kabuuan, siyamnapung (90) kabataan mula sa lalawigan ng Cavite, Batangas, Rizal, Laguna at Quezon ang dumalo sa pagsasanay. Layunin ng pagsasanay na linangin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa pagtatayo ng sariling negosyong pansakahan. Inaasahan na sa pamamagitan ng pagsasanay ay mapagpatuloy na makapaglikha ng mga bagong kabataang agripreneur sa Calabarzon.
Nilalaman at Larawan: Vira Elyssa Jamolin