TRECE MARTIRES CITY, Cavite- Matagumpay na idinaos ang seremonya ng pagtatapos ng programang, Palay-Aralan: Makabagong Pagsasaka sa Himpapawid, isang School on the Air (SOA) Program tungkol sa Smart Rice Agriculture (SRA) na hatid ng Agricultural Training Institute (ATI) sa CALABARZON, katuwang ang Department of Agriculture Regional Field Office IV-A.
Higit sa 2,500 magpapalay mula sa 43 na Lokal na Pamahalaan mula sa probinsya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon, at estudyanteng kumukuha ng kursong may kinalaman sa Agrikultura ang nagtapos mula ika-26 hanggang 29 ng Oktubre 2021.
Ang mga nagsipagtapos na magsasaka at estudyante sa programa ay nanood sa kani-kanilang tahanan sa pamamagitan ng YouTube at Facebook livestreaming sa page ng @ATICalabarzon, DA-RFO at PIA CALABARZON. Samantala, ang ibang lokal na pamahalaan ay nagsagawa ng onsite graduation ceremony para sa mga magsasaka, alisunod sa protocol ng kanilang bayan.
Tampok sa programa ang mga nakatapos na kalahok na nagbahagi ng kanilang testimonya ng pasasalamat, mga natutunan mula sa paksang tinalakay at ang pangakong gagamitin at ibabahagi ang kanilang kaalaman sa ibang magsasaka.
Pinarangalan din ang mga kalahok na nagkamit ng pinaka-matataas na marka sa mga pagsusulit at eksaminasyon sa durasyon ng programa. Nakatanggap sila ng medalya at sertipiko mula sa ATI at gamit pang-agrikultural mula sa kanilang punong-bayan.
Nagbigay naman ng kanilang mensahe ang mga pinuno ng katuwang na mga ahensya ng programa. Kabilang dito sina DA-RFO IV-A Regional Executive Director, Vilma Dimaculangan, DA-PhilRice Los Baños Director, Rhemilyn Relado-Sevilla, Provincial Agriculturists at Agricultural Program Coordinating Officers (APCO) sa CALABARZON.
Nagpaabot din ng mensahe para sa mga estudyanteng nagsipagtapos ang Vice President for Research and Extension ng Cavite State University (CvSU) na si Dr. Melbourne Talactac, Southern Luzon State University (SLSU) President, Dr. Doracie Soleta-Nantes, Laguna State Polytechnic University (LSPU) Research Unit Head, Jayson Olayta.
Samantala, buo ang suporta ng kagawaran sa programa sa mensaheng hatid ni ATI Director, Rosanna P. Mula, at Secretary William D. Dar. Sa huli ay nag iwan ang Center Director ng ATI-CALABARZON, Marites Piamonte-Cosico ng isang hamon sa mga nagsipagtapos na patuloy na magsumikap at pagbutihin ang pagsasaka at pag-aaral ng kanilang kurso. Dagdag ni Cosico, patuloy na magbibigay ng suporta at programang SOA ang ahensya upang maitaas ang kalidad ng pagpapalayan sa bansa.
Ang SOA-SRA ay isinagawa ng Information Services Section ng ATI-CALABARZON, sa pangunguna ng Project Officer na si Maridelle Jaurigue, kasama sina Michelle Macalagay at Wynzeth Ramos, katuwang ang DA-RFO IV-A at DA-PhilRice Los Baños.