20 Magsasaka Siyentista, Nagsanay sa Kahandaan at Mental Health

Posted by: 

TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Ayon sa International Labor Organization, ang pagsasaka ay isa sa maituturing na mapanganib na gawain dahil sa naka-ambang mga sakuna sanhi ng iba’t ibang pangyayari tulad ng mga aksidente sa paggamit ng mga kasangkapan, makinarya o hayop, sakit na dulot ng pagkalantad sa mga kemikal o sakit mula sa alagang hayop papunta sa tao. Kaugnay dito, isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) Region IV-A ang tatlong (3) araw na pagsasanay, “Handang Magsasaka Siyentista: Training on Farm Risk Reduction and Management and Mental Well-Being,” noong ika-19 hanggang ika-21 ng Oktubre, 2021 sa pamamagitan ng Zoom.

Sa pagbubukas ng pagsasanay, ibinahagi ni ATI Region IV-A Center Director Marites Piamonte-Cosico na ang mga kaalaman na matututunan ng mga kalahok ay makakatulong upang maiwasan ang mga sakuna na maaaring maranasan sa kanilang mga bukirin. “Most people think money is the key to reducing risk, but preparation is. At sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, inihahanda na namin kayo. At kapag handa kayo for any eventuality, this will have a positive effect on your mental health,” ani Center Director Cosico.

Ang mga tagapagsalita na sina Dr. Maria Victoria V. Briguela at Bb. Ann Maribel M. Hapin mula sa sa Cavite Center for Mental Health ang nagbahagi ng mga kaalaman sa kahalagan ng mental health higit sa panahon ng pandemya. Mula naman sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office of Cavite na sina Bb. Eloisa G. Rozul, G. Roni S. Hina, Bb. Lorichelle V. Molina, G. Contancio A. Tagle, Jr., at G. Ronaldo D. Nouay ang naghatid ng mga paksa patungkol sa Disaster Risk Reduction Management at First Aid.

Ang pagsasanay ay dinaluhan ng dalawampung (20) Magsasaka Siyentista (MS) mula sa iba’t ibang Farmers’ Information and Technology (FITS) Centers sa rehiyon. Layunin ng gawain na mapataas nag kaalaman at kasanayan ng mga MS sa risk reduction management at ang kahalagahan ng kalusugan ng isip o mental health.