TRECE MARTIRES CITY, Cavite- 28 Agricultural Extension Workers (AEW) na mula sa Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Centers sa CALABARZON ang aktibong lumahok sa apat na araw na pagsasanay na “Training on Social Media Optimization for Agricultural Extension” sa pamamagitan ng Zoom application.
Layunin ng pagsasanay na maitaas ang kaalaman ng mga kalahok at mapaghusay ang paggamit nila ng social media platforms tulad ng Facebook, upang maipahatid ang mga angkop at nakabatay sa agham na teknolohiya at impormasyon sa pagsasaka sa mga kliyente tulad ng mga magsasaka at kabataan.
Inihatid ng tagapagsalita na si G. Niño James G. Haos, Social Media Trainer, ang iba’t ibang paksa patungkol sa social media tulad ng branding, social media audience and content, scheduling and planning, at social media marketing.
Bahagi rin ng pagsasanay ang mga aktwal na gawain patungkol sa mga paksa upang madagdagan ang mga kasanayan ng mga kalahok sa pamamahala ng isang Facebook page ng kanilang FITS Centers.
Nagpakita naman ng suporta ang Center Director ng ATI CALABARZON na si Gng. Marites Piamonte-Cosico sa pagbubukas ng programa. Sa kanyang mensahe, ipinunto niya ang kahalagahan ng social media, higit sa panahon ng pandemya, upang maihatid ang mga serbisyo ng FITS Centers sa mga kliyente.
“Ang Agricultural Training Institute bilang ‘Home for e-Extension’ ay nais palakasin ang paggamit ng social media sa pamamagitan ng ating mga FITS Centers upang mas mapaabot natin ang tama at science-based na impormasyon at teknolohiya sa ating mga kliyente na mga magsasaka, kabataan, at mga agri-enthusiast,” ani Cosico.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, inaasahan ang mga kalahok mula sa FITS Centers na mas mapabuti at maipahayag ang mga serbisyo ng mga FITS Center sa social media.
Nagbigay naman ng mensahe ng pagsuporta si Dr. Rolando V. Maningas, OIC-Assistant Center Director, sa mga tagapagpatupad ng Techno Gabay Program (TGP) sa kanilang pagsisikap upang tumaas ang kalidad ng serbisyo ng FITS Centers sa rehiyong Calabarzon.
Isinagawa ang pagsasanay noong ika-11 hanggang ika-14 ng Oktubre 2021.