TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Tatlong kabataang magsasaka mula sa CALABARZON ang kabilang sa 30 na ipinadala sa Taiwan upang magsanay sa ilalim ng Filipino Young Farmers Internship Program (FYFIP).
Ang mga kwalipikadong interns na bumuo sa unang batch para sa taong 2021 ay sina: Avi Mark Puntanar mula sa San Pablo City, Laguna, Keith Ryzon Ceñidoza mula sa Tanay at Jayson Hernandez mula sa Antipolo, parehong mula sa probinsya ng Rizal.
Tumulak ang mga intern patungong Taiwan matapos makumpleto ang limang (5) buwan na pagsasanay sa ibat-ibang larangan, bilang paghahanda sa FYFIP.
Dito ay gugugulin nila ang susunod na labing-isang buwang internship sa kani-kanilang itinalagang "farm sites.” Inaasahan na sa kanilang pagbabalik ay maibahagi nila sa mga kapwa nila kabataan ang kanilang mga natutunan mula sa nasabing programa.
Ang FYFIP ay isa sa mga programang pinangunahan ng Taiwan Economic Cultural Office (TECO), Manila Economic Cultural Office (MECO) at Agricultural Training Institute, ang huli bilang punong-tagapamahala ng programa. Naglalayon itong manghikayat at magbigay ng oportunidad na masanay ang mga kabataan sa larangan ng agrikultura sa ibang bansa upang maging isang "globally competitive" na kabataang magsasaka.
Sa susunod namang taon ay nakahandang magpatuloy sina Martin Villanueva Jr., Jerome Mercado, Darwin Mabazza at Armel Flores para sa ikalawang pangkat ng FYFIP sa Taiwan.
Sa Ulat ni G. Roy Roger Victoria II