TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Matagumpay na isinagawa ang tatlong araw na virtual graduation ceremony ng paaralan sa himpapawid na “ATIng Ani at Kita: Talakayang RCEF Program sa Calabarzon” noong ika-28 hanggang ika-30 ng Setyembre sa opisyal na Facebook page ng ATICalabarzon at Youtube channel nito na AgriStudio.
Kaagapay ang iba’t ibang ahensyang nagpapatupad ng programang Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF; Radio Teachers; Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor mula sa Cavite, Laguna, at Quezon; at ang dalawampung isa na mga bayan at lungsod mula sa prioridad na lalawigan ay ganap na nagsipagtapos ang mahigit 900 na mag-aaral sa 20 linggo na paaralan sa himpapawid.
Binubuo ng 141 na mga kalahok sa Cavite, 189 na mag-aaral mula sa Laguna, at 607 mula sa Quezon na mga magsasaka, ilang mga guro, grupo ng mga kakababaihan, at aktibong mga kabataan ang aktibong lumahol sa paaralan sa himpapawid na pinangunanhan ng ahensya.
Sa dalawampung episode nito na umere mula Abril 16 hanggang Agosto 27, napakinggan ito sa dalawang radio partners na Radyo Natin 106.3 FM Laguna at 95.1 Kiss FM at live na napanuod sa opisyal na Facebook page at YouTube channel ng ATICalabarzon. Layunin ng programa na magpaabot sa ating mga magsasaka ng mga angkop at makabagong na pamamaraan sa pagpapalayan at mga benepisyo na nakapaloob sa RCEF program tuwing Biyernes sa ganap na ika-9 hanggang ika-10 ng umaga.
Inihatid ng mga guro sa radyo mula sa iba’t ibang ahensya ang mga paksa na tulad ng PalayCheck System, inbreed rice production, postharvest technologies, financial literacy, at iba pa.
Nagsilbing pangunahing tagapagsalita ang Senate Committee on Agriculture and Food na si kagalang-galang na Senator Cynthia A. Villar sa nasabing gawain.Nagpaabot din ng pagsuporta ang DA ATI OIC Director Dr. Rosana Mula , DA RFO IV-A OIC RED Dir. Vilma Dimaculangan, Provincial Agriculturist ng Cavite na si Bb. Lolita Pereña, Provincial Agriculturist ng Laguna Gg. Marlon Tobias, at Provincial Agriculturist ng Quezon Gg. Roberto Gajo sa mga nagsipagtapos.
Sa kanyang panghuling mensahe, ipinahayag ni ATI IV-A Center Director Marites Piamonte-Cosico ang kanyang pagsaludo at pagkilala sa mga kalahok, tekniko, at mga kaagapay sa naturang gawain at nagbigay ng malaking tulong sa matagumpay na implementasyon ng programa.