Ang Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ay nagsagawa ng dalawang (2) batch ng Farmer Field School on Integrated Diversified Organic Farming System (IDOFS) sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture Regional Field Office (DA RFO) IV-A, Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ng Laguna at Quezon at Tanggapan ng Pambayang Agrikultor sa bayan ng Magdalena, Laguna at Candelaria, Quezon. Ang nasabing pagsasanay ay nagsimula noong ika-18 at 22 ng Hunyo, 2021 at nilahukan ng may kabuuang apatnapu’t anim (46) na mga kalahok mula sa iba’t ibang barangay ng mga nasabing bayan.
Nagsiilbing tagapagtalakay at tagapagpadaloy ng pagsasanay sina Bb. Ivy Bacud at Bb. Stephanie Viterbo para sa bayan ng Magdalena. Samantala, sina G. Antonio Abanador at G. Joe Kim Cristal naman para sa bayan ng Candelaria, Quezon. Nagkaroon ng labing-anim (16) na sesyon ang nasabing FFS at tinalakay ang mga component ng IDOFS tulad ng organikong paggugulayan, paggawa ng iba’t ibang klase ng mga pataba gayundin ang pamamahala sa lupa, pagbababuyan at manukan. Ibinahagi rin ang recordkeeping at Participatory Guarantee System (PGS). Ang dalawang grupo ay nag-establish ng kanilang Participatory Technology Development kung saan isinagawa ang Agro-Ecosystem Analysis o AESA.
Ang pagtatapos ay ginanap noong ika-29 at 30 ng Setyembre, 2021. Pinangunahan ni Partnerships and Accreditation Services Section Chief Sherylou C. Alfaro ang nasabing pagtatapos. Nagpaabot ng pasasalamat sa ATI CALABARZON ang Tanggapan ng Panlalawigan ng Laguna at Quezon at Tanggapan ng Pambayang Agrikultor sa bayan ng Magdalena, Laguna at Candelaria, Quezon. Nagbigay din ng mensahe si Bb. Eda F. Dimapilis, ang Regional Organic Agriculture Focal Person ng DA RFO IV-A, na kinatawan ni Bb. Crissel Tenolete at nagpasalamat sa patuloy na pagyabong ng organikong pagsasaka sa rehiyon ng CALABARZON. Dagdag pa rito, nagpaabot din ng mensahe si ATI CALABARZON Center Director Marites Piamonte-Cosico at sinabing sa loob ng mahigit apat (4) na dekada, ang FFS ay patuloy pa rin nating ginagamit sa ekstensyon, at hanggang ngayon ay patuloy pa ring tinatangkilik ng maraming magsasaka at nananatili ang mga pundasyon at prinsipyo nito, ang “learning by doing” at binabansagan nating “schools without walls”.
Layunin ng pagsasanay na mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok ukol sa IDOFS.
Nilalaman at Larawan: Soledad E. Leal