Isinagawa ng ATI CALABARZON ang ikalabing limang pangkat ng Training of Facilitators on Farm Business School (FBS). May kabuuang dalawampu’t apat (24) na kalahok mula sa rehiyon ng CALABARZON, MIMAROPA at Bicol ang nagsipagtapos sa pagsasanay.
“Ang inyong pagtangkilik sa mga ganitong programa ay napakalaking tulong sa paglago ng industriyang pang-agrikultura. The desire to increase income by taking advantage to market opportunities requires farmers to become better decision makers and better in competing in this new environment,” saad ni Senador Cynthia A. Villar. Ang pagsasanay na ito ay nagsisilbing daan upang ang mga kalahok ay magkaroon ng sapat na kaalaman at kasanayan sa mga konsepto at gawain ng FBS at ng Farm Business Profitability.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, dumalo sina Bb. Marites Piamonte-Cosico, Center Director ng ATI CALABARZON at Atty. Rhaegee B. Tamaña, Chief of Staff ng Senate Committee on Agriculture and Food. Nagpaabot naman ng pagbati si Gng. Vilma Dimaculangan, OIC Regional Executive Director ng Department of Agriculture Region IV-A; Dr. Rosana P. Mula, ATI OIC Director; G. Michael A. Palispis, Regional Director ng Department of Tourism IV-A; at Senador Villar.
Pahayag ni Gng. Andrea Alforte sa kanyang impresyon, “ang pinakatumatak sa akin sa pagsasanay na ito ay ang pagkakaroon ng panibagong responsibilidad, na maging facilitator para matuto ang iba pang magsasaka, lalo na yung mga nag-struggle na kumita ng kanilang ikabubuhay mula sa farming. Sana sa pamamagitan ng Farm Business School, lahat tayo sa larangan ng agrikultura ay magkaroon ng pagkakataong umasenso ang ating negosyo, para mas marami pa ang ma-engganyo sa pagtatanim at pangangalaga ng mga hayop.”
Ang Training of Facilitators on FBS ay sa pakikipagtulungan sa Villar SIPAG Farm School upang patuloy na magbigay ng mga ganitong pagsasanay para sa ikauunlad ng ating mga magsasaka. Ito ay naganap noong ika-6 hanggang ika-18 ng Setyembre, 2021.
Nilalaman at Larawan: Lizbeth L. David