GEN. NAKAR, Quezon – “A promise fulfilled to coconut farmers.” Ito ang sambit ni Dr. Rolando V. Maningas, OIC Training Center Superintendent II ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, sa kanyang mensahe sa mga magniniyog at magsasaka na aktibong lumahok sa isinagawang unang pangkat ng “Information Caravan on Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act (CFITF)” noong ika-9 ng Setyembre, 2022 sa bayan ng Gen. Nakar, Quezon.
Layunin ng gawain na ibahagi ang mga programa at serbisyo sa ilalim ng RA 11524 o mas kilala bilang CFITF sa mga benepisyaryo nito. Upang maipaliwanag ang iba’t ibang programa na nakapaloob sa batas, ibinahagi ni Bb. Vira Elyssa Jamolin, Training Specialist III mula sa ATI CALABARZON, ang detalye patungkol sa programang pangkalusugan at medikal, pangkabuhayan, edukasyon, pagseseguro sa mga tanim at hayop, pagpapautang sa indibidwal at organisasyon, pag-oorganisa o pagpapabuti sa mga organisasyon ng mga magniniyog at ang pagsasanay.
Katuwang ng ATI CALABARZON at Philippine Coconut Authority (PCA) IV ang iba’t ibang ahensya mula sa Department of Agriculture-High Value Crops Development Program, Bureau of Animal Industry (BAI), National Dairy Authority (NDA), Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Works and Highways (DPWH), Commission on Higher Education (CHEd), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Cooperative Development Authority (CDA), Department of Science and Technology (DOST)-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD), Development Bank of the Philippines (DBP), Landbank of the Philippines (LBP) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Nagkaroon din ng bukas na talakayan mula sa mga kalahok at mga tagapagpatupad ng programa ukol sa mga serbisyo ng bawat ahensya at mga paglilinaw patungkol sa implementasyon ng Coconut Farmers and Industry Development Plan o CFIDP sa rehiyon.
Mahigit limampung (50) magsasaka at magniniyog mula sa mga bayan ng Real, Infanta, at Gen. Nakar sa lalawigan ng Quezon ang dumalo at nakilahok sa nasabing gawain. Nakatanggap sila ng Information, Education and Communication (IEC) materials na kanilang ibabahagi sa mga kapwa magniniyog at magsasaka sa kanilang komunidad. Katuwang ang PCA IV, magkakaroon pa ng anim (6) na Information Caravans sa buwan ng Setyembre at Oktubre sa mga sumusunod na bayan at lalawigan:
Setyembre 21 - Lopez, Quezon
Setyembre 23 - Alabat, Quezon
Setyembre 28 - Catanauan, Quezon
Setyembre 30 - Sariaya, Quezon
Oktubre 12 - Rosario, Batangas
Oktubre 14 - Nagcarlan, Laguna
Ang nasabing gawain ay sa pakikipagtulungan sa Philippine Coconut Authority IV.
Edited by: JBalmeo