CAVITE Province – Walumpung (80) benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa mga lungsod ng General Trias, Trece Martires at bayan ng Silang sa lalawigan ng Cavite ang nabigyan ng Seminar on Basic Urban Gardening ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, katuwang ang Department of Social Welfare and Development Region IV-A (DSWD IV-A).
Ang nasabing seminar ay napapaloob sa programa ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP). Ito ay naglalayon na mabigyan ang mga kalahok ng pangunahing kaalaman at kasanayan patungkol sa urban gardening. Kalakip sa pagdalo ng mga kalahok, sila ay nagkaroon ng mga “UA grow kits” mula sa ATI CALABARZON.
Sina Gng. Cynthia C. Perez at G. Renato M. Novelo ang nagsilbing mga tagapagtalakay. Nagkaroon ng talakayan patungkol sa urban gardening at aktuwal na paggawa ng mga organikong pataba gaya ng Fermented Fruit Juice (FFJ), Fermented Plant Juice (FPJ) at Fish Amino Acid (FAA). Nakasama rin sa seminar ang Sustainable Livelihood Program Focal Person ng DSWD IV-A na si G. Nelson Robles.
Pinasinayaan ni ATI CALABARZON OIC Training Center Superintendent II Dr. Rolando V. Maningas ang pagtatapos ng apat na pangkat ng seminar. Sa kanyang pangwakas na mensahe, "Iisang pagsaludo para sa inyong interes at dedikasyon na nagsilbing indikasyon ng inyong pagmamalasakit, hindi lamang sa agrikultura kundi pati na rin sa ating kapaligiran. Tulad ng aming hangarin, maibahagi nawa ninyo sa inyong mga kamag-anak at kaibigan ang mga napapanahong kaalaman na ibinahagi sa inyo ng ating mga tagapagtalakay.”
Ang pagsasanay ay naganap noong ika-30, 31 ng Agosto at ika-1, 6 ng Setyembre, 2022.
Ulat ni: Lizbeth L. David