Batangas Province- 150 kabataan ang matagumpay na nag sipagtapos sa unang anim (6) na pangkat ng Municipal Training for Binhi ng Pag-asa Program para sa buwan ng Agosto taong kasalukuyan. Bawat pagsasanay ay may kalakip na Extension Support para sa mga kalahok upang maging pasimula nila sa kanilang mga napiling proyekto.
Pinangunahan ng Agricultural Training Institute Region IV-A, katuwang ang Office of Senator Grace Poe (OSGP) ang nasabing mga aktibidad na may mga panukalang proyekto sa Aquaponics para sa mga bayan ng Padre Garcia at San Jose; Native Chicken Production para sa bayan ng Ibaan, Rosario, Sta. Teresita at Taal; Hydroponics para sa Bayan ng Cuenca at Mataas na kahoy, Native Pig Production para sa bayan ng Malvar, Balete at lungsod ng Lipa; at Beekeeping naman para sa lungsod ng Tanauan.
Tinalakay sa unang bahagi ng bawat pagsasanay ang mga paksang Leadership at Values Formation, Agripreneuship at Social Media in Agriculture. Ang mga tagapagsalita mula sa OSGP ang nagsilbing mga tagapagtalakay sa mga paksang ito. Samantala sa bahagi ng mga teknolohiyang pang agrikultural, ang mga nagsilbing tagapasalita ay mga experto mula sa Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor at Pambayang Agrikultor, Panlalawigang Beterinaryo ng Batangas; mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region IV-A; mula sa sertipikadong Learning Site for Agriculture na Bukid Amara at isang expert sa pagbubuyog na si Dr. Pedro Jose De Castro.
Nagalak ang isang grupo ng mga kalahok sa pagsasanay na kasalukuyang kumukuha ng kursong BS Entrepreneurship mula sa Lungsod ng Tanauan patungkol sa Beekeeping. Anila, sadyang makatutulong ang kanilang mga natutunan lalo sa pag aalaga at business side ng pagbubuyog para sa kanilang nalalapit na thesis.
Salaysay ni, Relson James Peralda, “Nagpapasalamat din po kami sa magagaling na resource speaker na nakapag bigay ng mga kaalaman na makakatulong upang makapag simula sa mga ninanais naming mga negosyo na talagang makakatulong rin para sa aming pag-aaral”.
Sampung (10) pagsasanay naman ang isasagawa para sa mga natitirang bayan ng Batangas para sa buwan ng Setyembre at Oktubre ngayong taon.
Isinulat ni: Roy Roger Victoria II