Isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang virtual benchmarking activity para sa walumpu’t dalawang (82) mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) - Lopez, Quezon Branch, na kumukuha ng kursong BS Agribusiness Management & Entrepreneurship. Layunin ng aktibidad na mapalakas ang kaalaman at pang-unawa ng mga mag-aaral sa pagpapatakbo at pamamahala ng sakahan bilang kumikitang negosyo, sa pamamagitan ng pagkalap ng mga impormasyon mula sa aktwal na karanasan ng mga matatagumpay na magsasakang negosyante.
Ilan sa mga aspeto na tinutukan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng panayam ay ang produksiyon, pagbebenta at merkado, mga imprastraktura, pamamahala ng sakahan at negosyo, at pagtugon sa kasalukuyang pandemya. Naging bahagi ng nasabing gawain ang mga piling sertipikadong Learning Sites for Agriculture (LSA) at Schools for Practical Agriculture (SPA) na kinatawan nina Bb. Noriko Usui ng Cortijo De Palsabangon Farm Park & Restaurant, OPC (SPA) sa Pagbilao, Quezon; G. Arnel Marasigan at Bb. Kaye Ramos ng Uma Verde Econature Farm, Inc. (SPA) sa Candelaria, Quezon; G. Florencio Flores ng Flor & Daisy’s Agricultural Farm (SPA) sa Sariaya, Quezon; at Bb. Marigel Bacalso ng Four K Kakao Farm (SPA) sa Gumaca, Quezon.
Ang Benchmarking Activity ay pinangunahan ng Partnerships & Accreditation Services Section (PASS) sa pamamagitan nina Gng. Sherylou C. Alfaro, PASS Chief; G. Ric Jason Arreza, Development Management Officer I; at G. Mervin Vitangcol, Training Assistant, katuwang ang mga guro ng pamantasan na sina G. Jewel De Asis at Bb. Venus Villaver.
Bahagi ng pormal na ugnayan sa pagitan ng ATI CALABARZON at PUP Lopez ang benchmarking activity para sa Virtual “On-the-Job” Training and Internship Program na inilunsad noong ika-20 ng Agosto, 2021.
Nilalaman: Sherylou C. Alfaro