INDANG, Cavite – Sa kauna-unahang pagkakataon, pinangasiwaan ng mga piling nagsipagtapos ng Training of Trainers (TOT) on Digital Farmers Program (DFP) na ipinatupad ng Agricultural Training Institute (ATI) sa CALABARZON ang Farmer-level Rollout ng DFP 101.
Si Ms. Amihan Crooc at Ms. Frecela Aina Maaba ng Bounty Harvest Farm ang nagsilbing mga tagapagsalita at tagapagpadaloy ng isang araw na aktibidad. Nakaagapay ang kawani mula sa Information Services Section upang pangasiwaan ang ibang bahagi ng programa, at tutukan ang mga aktibidad sa tatalakaying paksa.
Ang DFP 101 ay panimulang kurso sa ladderized training program ng ATI at ng Smart Communications Inc. na DFP, na naglalayon na hasain ang mga magsasaka sa paggamit ng smartphones at digital technologies tulad ng agri applications at social media na makatutulong sa matalino at episyenteng pagsasaka.
Ayon kay Sadelio Candare, isa sa mga kalahok ng aktibidad, “Malaking tulong po sa amin dahil marami po kaming natutunan tulad noong sa Payong PAGASA at Accuweather. Noong araw, ang ginagawa ng tatay ko ay tumitingin lang sa liwanag ng buwan, kung magtatanim. Ngayon siguro mas kailangan natin ito dahil sa climate change na nangyayari sa atin ngayon. At least ma-momonitor namin ang weather condition tsaka soil condition ng tataniman.”
Dumalo ang Municipal Agriculturist ng nasabing bayan na si Mr. Ireneo Barrot upang ipahatid ang suporta sa mga magsasaka at programa sa pamamagitan ng Pambungad na Pananalita. Pinangunahan naman ng OIC Training Superintendent II ng ATI CALABARZON na si Dr. Rolando Maningas ang paggawad ng sertipiko sa mga kalahok at kasunod nito ay nag-iwan ng mahalagang mensahe sa nagsipagtapos.
Sa darating na ika-15 ng Setyembre, nakatakda naman ang kawani ng FITS Center-Candelaria (graduate ng Batch 2 ng TOT on DFP) na isagawa ang DFP 101 sa kanilang komunidad.