Probinsya ng Batangas - Muling naipamalas ang pagkamalikhain ng mga magsasaka at ilang mga miyembro ng RIC sa paggawa ng mga iba't ibang produkto gamit ang isa sa kilalang high value crop ng probinsya, ang mangga.
Sa loob ng limang araw, isinagawa ng Agricultural Training Institute sa CALABARZON ang Pagsasanay sa Pagpoproseso ng Mangga, katuwang ang accredited Extension Service Provider, MoCa Family Farm RLearning Center.
Matagumpay na naidaos ang pangalawang pangkat ng pagsasanay na nagsimula noong ika 25 ng Agosto 2021 at natapos ng ika-31 ng Agosto 2021, gamit ang pamamaraang “blended” o kombinasyon ng online na may kasamang “on-site hands-on demonstration.” Dalawampung (20) kalahok mula sa iba't ibang munisipyo sa probinsya ng Batangas ang nagsipagtapos sa pagsasanay.
“Sa training na ito, nalaman ko na ang mangga ay 'di lang prutas basta. At nagbigay ito ng malaking oppurtunity samin lahat. Bilang youth, noon po ang alam ko lang masarap ang mangga kapag hinog at isinasawsaw sa bagoong o alamang. Malimit ay juice pero through this training, maraming idea ang lumabas at may mga biglaan idea na through discussion at hands on ay bigla na lang nag-pop ang mga ideas,” ani ni Marwin De Torres sa kanyang inihayag na impresyon sa pagsasanay.
Samantala, masayang inihayag sa pagtatapos ng programa ni Gng. Gigi Morris, na nagsilbing tagatapagtalakay sa buong pagsasanay, ang mga nagawang produkto at nakitang potensyal ng mga kalahok sa pagpropopreso ng manga bunga na rin ng natutunan nila sa pagsasanay.
Nagbigay din ng pagbati at mensahe ang Center Director ng ATI- CALABARZON na si Bb Marites Piamonte-Cosico sa mga nagsipagtapos.
“Nawa ay maging tulad tayo ng sinisimbolo ng hugis ng manga, hugis PUSO, upang maisa-puso ang mga natutunan, at may puso sa bawat pagsasakatuparan ng mga ito, hindi lamang para sa kapakanan ng ating sarili, bagkus pati na rin sa ating pamayanan at bansa,” paghihikayat ni Bb. Cosico sa kanyang mensahe.
Ulat ni: Bb. Vira Elyssa Jamolin