BINANGONAN, Rizal - Ang Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa pakikipag-ugnayan sa Office of the Provincial Agriculturist ng Rizal at Municipal Agriculture Office ng Binangonan ay nagsagawa ng pagsasanay patungkol sa Organic Fertilizer Cum Mushroom Production with Extension Support noong ika-1 hanggang ika-3 ng Setyembre, 2021. Ang nasabing pagsasanay ay dinaluhan ng mga teknikong pansakahan mula sa Municipal Agriculture Office at mga lider-magsasaka mula sa iba’t ibang barangay sa Binangonan.
Nagsilbing tagapagtalakay sina Engr. Cholo Raymundo, ang Provincial Organic Agriculture (OA) Focal Person ng Rizal. Tinalakay niya ang panimula ukol sa Organikong Pagsasaka, Soil Fertility at Nutrient Management gayundin ang iba’t ibang uri ng organikong pataba. Samantala, tinalakay naman ni G. Paul Anthony Daquil, mula sa Lopao Mushroom Farm, San Pablo City, Laguna, ang tungkol sa produksyon, pagpo-proseso at pagsasapamilihan ng mga kabute. Nagsagawa rin ng hands-on demonstration si G. Daquil kung saan ipinakita niya ang mga proseso sa pagkakabutehan na ginagawa niya sa kanyang farm.
Pinangunahan ni ATI CALABARZON Center Director Marites Piamonte-Cosico ang pagtatapos ng nasabing pagsasanay kasama si Gng. Sherylou C. Alfaro, Chief ng Partnerships and Accreditation Services Section. Dumalo rin sina Regional OA Focal Person ng Department of Agriculture CALABARZON Eda F. Dimapilis; Dr. Luminada Olvida mula sa Office of the Provincial Agriculturist; at G. Erwin Diestro, Municipal Agriculturist.
“Ipinaparamdam pa rin ng Panginoon ang kanyang pagmamahal sa atin dahil sa kabila ng pandemya ay may mga ganitong pagsasanay upang matuto ang mga magsasaka. Maraming salamat po sa inyo sa pagkakaroon ng ganitong gawain”, wika ni G. Hernando Arabit na kumatawan sa mga hanay ng mga kalahok na magsasaka. Samantala, nagpaabot din ng pasasalamat si Gng. Miriam Fernan mula naman sa hanay ng mga teknikong pansakahan.
Layunin ng pagsasanay na madagdagan ang kaalaman ng mga kalahok ukol sa organikong pataba at kabutehan gayundin ay makapamahagi ng starter kits sa mga kalahok na binubuo ng mushroom fruiting bag, vermicast, blue drum, molasses, pail at shovel.
Nilalaman at Larawan: Soledad E. Leal