Ang Agricultural Training Institute (ATI) Region IV-A sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture (DA) Region IV-A ay nagsagawa ng Training of Trainers on Participatory Guarantee System (PGS) para sa lalawigan ng Quezon. Ang labinlimang (15) kalahok ay binuo ng mga kinatawan mula sa Office of the Provincial Agriculturist - Quezon at Southern Luzon State University kasama ang mga magsasakang miyembro ng Quezon PGS mula sa Sariaya, Lucban at Tayabas. Layunin ng pagsasanay na mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok ukol sa pagtatatag at operasyon ng PGS na naaayon sa Republic Act 11511 o Act amending the Organic Agriculture (OA) Act. Ang pagsasanay ay naganap noong ika-16 hanggang ika-27 ng Agosto, 2021.
Sa loob ng sampung (10) araw na pagsasanay, ipinaliwanag sa mga kalahok ang Module 1 to Module 5 ukol sa PGS. Nagsilbing tagapagtalakay ang mga nagsipagtapos ng Specialist Training Course on PGS na sina G. Arnaldo Gonzales, G. Jun Villarante, Bb. Crissel Tenolete mula sa DA Region IV-A; Soledad E. Leal mula sa ATI Region IV-A; at G. Philip Reyes, OA consultant. Gayundin ay nagkaroon ng online discussion at workshops kung saan gumawa ang grupo ng draft ng kanilang Manual of Operations na magsisilbing gabay ng PGS Group sa kanilang pagsisimula. Layunin ng nasabing grupo na sila ay makapag-apply para sa sertipikasyon at akreditasyon ng Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS) bago matapos ang taong ito.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, nagbigay ng mensahe si Gng. Eda F. Dimapilis, Regional OA Focal Person ng DA Region IV-A at G. Manuel Dimalaluan, OA Focal Person mula sa ATI Central Office. Nagpaabot din ng mensahe si Kgg. Senador Cynthia Villar, Chairperson ng Committee on Agriculture and Food. Humanga si Bb. Marites Piamonte-Cosico, Center Director ng ATI CALABARZON, sa kanilang patuloy na pagyakap sa gawaing ito sa kabila ng mga hamon na dala ng makabagong normal na pamamaraan sa pagsasanay.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang mga kalahok sa pangunguna ni Gng. Carmen Cabling, ang pangulo ng Quezon PGS.
Nilalaman at Larawan: Soledad E. Leal