CUENCA, Batangas – Isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa pakikipag-ugnayan sa Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IVA, Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo ng Batangas at Opisina ng Pambayang Agrikultor ng Cuenca ang Pagsasanay sa Pangangalaga at Pangangasiwa ng mga Katutubong Manok sa Cuenca, Batangas. Ang programa ay bilang tugon sa programang ONE DA Reform Agenda, isa sa mga istratehiya na kabilang dito ay ang pagbubuo ng suporta para sa mga “Bayanihan Agriclusters o BACs”. Ang mga miyembro at magiging miyembro ng Batangas Association of Natural Raisers of Food Animals (BANAT), na isa sa mga rehistradong BACs sa rehiyon, ang dumalo sa nasabing pagsasanay.
Sa pagsasanay ibinahagi ng mga tagapagsalita mula sa Department of Agriculture Quezon Agricultural Research and Experiment Station (DA QARES) sa katauhan nina Bb. Marjorie Lalap Sepina at Bb. Lou Denise-Marie U. Somera ang tamang pagpapadami at pangangalaga ng mga katutubong manok bilang alternatibong pagkukunan ng protina bukod sa mga nakasanayang pinagmumulan nito katulad ng baboy, baka, isda at iba pa. Dagdag pa rito, naibahagi rin sa mga kalahok ang paksa ukol sa values reorientation.
“Lubos akong nagpapasalamat dahil isa ang aming asosasyon na nabigyan ng ganitong pagsasanay. Marami akong natutunan mula sa ating magagaling na tagapagsalita. Ako ay natuwa doon sa topic na values reorientation dahil bilang isang farmer ay kailangan lahat tayo ay may tamang values para sa ikauunlad pa ng ating pagsasaka,” pagbabahagi ni G. Florencio Plantas, isa sa mga kalahok sa pagsasanay.
Pinasiyahan ni Bb. Marites Piamonte-Cosico, Center Director ATI CALABARZON; Bb. Diane Rose Alacala, DA NLP Report Officer; Dr. Romelito Marasigan, Provincial Veterinarian ng Batangas; at Bb. Jasmine Marie Luce, Pamabayang Agrikultor ng Cuenca, ang programa.
Nilalaman at larawan: Bb. Marian Lovella A. Parot