SAN JUAN, Batangas - Dalawampu’t anim (26) na mga kabataan mula sa bayan ng Cuenca at Mataas na Kahoy sa lalawigan ng Batangas ang sumailalim sa pagsasanay na "Municipal Training ng Binhi ng Pag-asa Program" noong ika-15 hanggang ika-17 ng Agosto, 2022 na ginanap sa San Juan, Batangas.
Tinalakay sa unang bahagi ng pagsasanay ang mga paksa ukol sa Leadership, Values Formation at Agripreneurship. Samantala, binigyang pokus naman ang paksang Social Media in Farming at Hydroponics bilang napiling proyekto ng kanilang mga bayan.
Sa pagsasara ng aktibidad ay binigyang-diin ng mga piling kalahok na nagbigay ng kanilang impresyon ang mga oportunindad at pagkakataon tulad ng mga libreng pagsasanay para sa kabataan na hindi dapat sayangin at magsikap na payabungin ang matatanggap na proyekto.
Nagpahatid naman ng pasasalamat at pagsuporta ang katuwang na mga kawani ng Cuenca at Mataas na Kahoy na sina Gng. Juliet Limbo at G. Christian James Hernandez sa mga kabataan at programa at bibigyang gabay ang mga kabataang lumahok para sa kanilang mga proyekto.
Bilang kinatawan ng ahensya, nagbahagi ng mensahe ang Chief ng Administrative and Finance Unit ng ATI CALABARZON na si Gng. Julie Ann Tolentino. Pinaabot naman ni OIC Training Center Superintendent II Dr. Rolando V. Maningas ang kanyang pagbati at pasasalamat sa mga naging katuwang sa pagsasanay at sa mga kabataan sa pamamagitan ng isang video message. “Bilang kabataan ay patuloy lamang tayong maniwala at manindigan sa ating mga sariling kakayahan na kaya rin nating pagtagumpayan ang ating mga nasimulang hakbangin tungo sa pagbibigay direksyon sa kinabukasan ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa ating bansa,” paghihimok ni Dr. Maningas sa mga kabataan.
Ang tatlong (3) araw na pagsasanay ay pinangunahan ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa pamamagitan ng Career Development and Management Services Section (CDMSS) katuwang ang Office of Senator Grace Poe (OSGP). Layunin ng gawain na ito na palakasin at hubugin ang kasanayan at kakayahan ng mga kabataan sa pamumuno at pangangasiwa ng kanilang proyekto napili.
Content: Engr. John Mendoza
Content and edited by: JCailo / JBalmeo