Pagsugpo sa Fall Armyworm, Tinutukan sa Pagsasanay ng ATI CALABARZON

TAYABAS CITY, Quezon – Isinagawa ng Agricultural Training Institute sa CALABARZON, katuwang ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA) Quezon, DA QARES, at isa sa mga Certified Learning Site for Agriculture ng ATI, ang Quindoza's Farm ang pagsasanay sa tamang pamamahala ng Fall Armyworm o FAW sa mais.

Ang pagsasanay ay naglalayong maipahayag ang iba't ibang stratehiya at pamamahala upang maiwasan ang paglaganap ng mapaminsalang peste katulad ng FAW.

Sa mensahe ng Center Director ng ahensya, Bb. Marites Piamonte-Cosico binigyang garantiya niya ang suporta ng ATI upang pag-ibayuhin ang mga gawain at hakbangin sa sakahan sa pamamagitan ng mga napapanahong serbisyong pang-ekstensyon, tungo sa “Masaganang Ani, Mataas na Kita” ng bawat magsasaka.

Dagdag pa ni Cosico, “Naniniwala kami na malaki ang kapakinabangan ng inyong mga natutunan sa tatlong araw ninyong pag-aaral sa pamamahala ng Fall Armyworm. At amin pong tagubilin ay ang ating maibahagi rin sa ating mga kapwa-magsasaka ang mga kaalaman at kasanayang ating nakuha mula sa pagsasanay na ito.”

Nilahukan ng dalawampung piling magsasaka ng mais mula sa Lucena, Sariaya at Tayabas ang pagsasanay, at pinangunahan ni G. Daynon Kristoff Imperial mula sa CDMS noong ika-26 hanggang 28 ng Hulyo 2021. Bawat kalahok ay nabigyan ng rechargeable knapsack sprayer na magagamit nila sa kanilang pagsasaka.

Sa Ulat ni G. Daynon Kristoff Imperial