STA. CRUZ, Laguna – Upang mas mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga magsasaka sa paggamit ng ‘digital technologies’, isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON at SMART Communications, Inc. ang unang batch ng Digital Farmers Program (DFP) 101 sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA) – Laguna noong ika-15 ng Hulyo, 2021. Ang pagsasanay ay dinaluhan ng sampung (10) pares ng magsasaka at kabataan mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Laguna.
Tinalakay ni Bb. Jamila Monette B. Balmeo, Information Officer II, ang iba’t ibang bahagi at gamit ng smartphone, kumonekta sa internet sa pamamagitan ng wifi at mobile date, at pag-access sa social media gamit ang Facebook at Google applications. Samantala, ipinaliwanag naman ni Bb. Maridelle G. Jaurigue, Media Production Specialist II, ang paraan ng paggamit ng Youtube, Facebook Marketplace at Internet Safety Tips. Dagdag pa rito, ibinahagi ni G. Hans Christopher C. Flores, Agriculturist I, ang agriculture-related applications tulad ng Farmer’s Guide Map, Rice Crop Manager, Payong PAGASA at e-Learning.
“Bilang magsasaka gusto ko maka-adopt sa technology ngayon, para di kami mapag-iwanan at yung desire namin na makatulong sa aming komunidad. Sa mga naging speakers, yung pagbabahagi ng mga topics na nabanggit ay ina-assure namin na magamit yun upang mapabilis ang pagsasaka with the technology,” saad ni Gng. Susan Bagsit, kalahok mula sa Nagcarlan gayundin din ay Magsasaka Siyentista ng Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Center Nagcarlan.
Ang DFP 101 ay ang panimulang kurso sa tatlong antas ng DFP. Layunin nito na mahikayat at maturuan ang mga magsasaka sa paggamit ng smartphone, social media, agri apps at social media marketing para mapaunlad ang pagsasaka sa tulong ng digital na teknolohiya. Ang unang batch ng DFP 101 ay matagumpay na naisagawa sa pakikipagtulungan sa FITS Center OPA Laguna. Ang ikalawang batch ay gaganapin sa pamamagitan ng ‘blended approach’ sa Teresa, Rizal sa ika-27 ng Hulyo, 2021 gamit ang Zoom application.