AMADEO, Cavite - Ang Agricultural Training Institute - CALABARZON ay patuloy na nagbibigay ng mga kaalaman sa pagtatanim upang ang bawat pamilyang Pilipino ay magkaroon ng pagkaing sapat at masustansya.
Isinagawa ng ATI CALABARZON, sa pakikipagtulungan ng Opisina ng Pambayang Agrikultor ng Amadeo, Cavite, ang dalawang araw na pagsasanay patungkol sa “Organic Vegetable Production and Container Gardening for Persons With Disabilities (PWDs)” noong ika-29 hanggang ika-30 ng Hulyo taong 2021.
Ang pagsasanay ay isinagawa hango sa konsepto ng farm-to-table upang matutunan ng may may kapansanan ang paggamit ng maliliit na espasyo upang taniman ng mga masustansya, ligtas at abot-kayang gulay para sa kanilang pamilya.
Ito ay dinaluhan ng dalawampung kalahok, kasama na ang mga nabibilang sa sektor ng may mga kapansanan, kung saan ay natutunan nila ang iba’t-ibang prinsipyo at gawi sa likod ng organikong pagsasaka, kasama ang mga organikong pestisidyo at pataba, at ang iba’t-ibang pamamaraan sa pagtaguyod ng hardin gamit ang mga niresiklong konteyner at iba pang mga kagamitan sa sariling bakuran. Namulat din ang kanilang kaisipan na hindi hadlang ang kapansanan upang mapangalagaan at mapabuti ang kanilang buhay.
Ulat ni: Angelo H. Hernandez