ATI at Flor’s Garden, Matagumpay na Inilunsad ang Librong “Weedibles, Weedicinals Plus Edible Flowers and More”

Ang Weedibles, Weedicinals Plus Edible Flowers and More ay sa pagtutulungan ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON at Flor’s Garden & Nature Haven, Inc., isang National-Private Extension Service Provider (ESP) ng ATI.

DILIMAN, Quezon City - Inilunsad ang librong “Weedibles, Weedicinals Plus Edible Flowers and More” ng Flor’s Garden & Nature Haven, Inc. sa ATI Central Office, Diliman, Quezon City noong ika-21 ng Hulyo, 2021. Ang proyekto ay sa pagtutulungan ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON at Flor’s Garden & Nature Haven, Inc., isang National-Private Extension Service Provider (ESP) ng ATI.

Dumalo sa paglulunsad sina Secretary William D. Dar ng Kagawaran ng Pagsasaka; ATI Director Alfredo S. Aton; ATI Deputy Director Dr. Rosana P. Mula; ATI CALABARZON Center Director Marites Piamonte-Cosico; at Gng. Flor G. Tarriela, ang may akda ng libro. “Masaya kami na ibahagi sa inyo ng buong pagmamalaki ang isa na namang produkto ng patunay na di matatawarang ugnayan sa pagitan ng ATI CALABARZON at ng Flor’s Garden & Nature Haven, Inc., ang librong Weedibles, Weedicinals Plus Edible Flowers and More. Congratulations at pasasalamat sa Flor’s Garden sa patuloy na paghahatid ng serbisyong pang-ekstensyon, na sa kabila ng pandemya ay hindi alintana ang paglilingkod,” pahayag ni ATI CALABARZON Center Director Cosico bilang pagsuporta at pagbati sa paglulunsad ng libro ng Flor’s Garden.

Ang Weedibles, Weedicinals Plus Edible Flowers and More ay librong naglalaman ng iba’t ibang kaalaman, gamit at pag-aalaga ng “weeds” at halaman na karaniwang tumutubo at matatagpuan sa Pilipinas. Ang libro rin ay nagsisilbing gabay sa mga kaukulang benepisyo ng “weeds” at iba pang mga halaman sa kalusugan ng tao. Ilan na rito ay ang talinum, takipkuhol, damong maria, sampal-sampalukan at pansit-pansitan.

Ang Flor’s Garden & Nature Haven, Inc. ay aktibong katuwang ng ATI sa paghahatid ng pagsasanay at serbisyong pang-ekstensyon. Taong 2017 nang maging certified Learning Site for Agriculture ng ATI CALABARZON ang Flor’s Garden. Kalaunan ay naging Regional ESP at ngayon nga ay National-Private ESP ng ATI.

Para sa e-copy ng libro, maaari itong i-dowload sa official website ng ATI CALABARZON, https://ati.da.gov.ph/ati-4a/node/790.