TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Pinangunahan ng Planning, Monitoring and Evaluation Unit (PMEU) ng Agricultural Training Institute sa CALABARZON ang pagsasagawa ng National Extension Agenda and Programs Consultation for FY 2022-2028. Ang bawat lalawigan sa rehiyon ay naglaan ng dalawang (2) araw upang makipagtalastasan at makiisa sa makabuluhang talakayan. Ito ay naglalayon na makakalap ng iba’t ibang ideya sa pagtukoy ng mga suliranin na nararanasan sa pagsasagawa ng mga programang pang-ekstensyon. Ganun din, upang makakuha ng iba’t ibang mungkahi at rekomendasyon upang matugunan ang mga natukoy na suliranin.
Sa mensahe ni ATI - CALABARZON Center Director, Marites Piamonte-Cosico, sinabi niya na, “Batid ko na bawat isa sa inyo ay sasang ayon na somehow may kulang pa sa ating mga programa, at may nakikita pa tayong karagdagang pangangailangan ng mga kliyente natin. And through this National Extension Agenda and Programs Consultation for FY 2022-2028, we will be able to identify the gaps in delivering extension services and propose programs and projects that will benefit the agriculture sector that we truly value.”
Ang nasabing gawain ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, Panlalawigang Tanggapan ng Agrikultor at Beterinaryo, mga Pambayang Tanggapan ng Agrikultor, mga Pamantasang Pampamahalaan, Extension Partners at mga pangulo ng iba’t ibang Samahan/Kooperatiba ng mga Magsasaka.
Pinatunayan ng pagsasagawa ng mga konsultasyon sa pagbuo ng National Extension Agenda and Programs FY 2022-2028 na “May lakas sa pamamagitan ng pagkakaiba-iba”. Minarapat ng gawaing ito na magkaroon ng kinatawan ang bawat aspeto ng sektor ng agrikultura upang makakuha ng komprehensibong datos na magagamit upang magkaroon ng pinag-isa at napapanahon na mga programa at proyektong pang ekstensyon.
Ulat at larawan ni: Bb. Abegail Del Rosario